Sadiq (92)
ISANG araw habang binabantayan ni Sadiq ang kanyang ipinagagawang food stall, biglang tumawag sa kanya si JayR mula Riyadh.
“O JayR? Kumusta? Ba’t ka tumawag?’’
“Mangungumusta lang Sadiq.’’
“Okey naman.”
“Si Gina, kumusta na ang chemo theraphy niya?’’
“Patuloy pa rin. Isang beses isang linggo ang session.’’
Hanggang masagap ni JayR ang pagpukpok ng karpintero sa ginagawang stall.
“Ano yun pinupukpok, Sadiq? Mukhang may pinagagawa kang building d’yan!”
“Hindi building! Stall lang. Maliit na stall.’’
“Anong stall?’’
“Food stall. Balak kong magnegosyo. Itong isang pinto ng apartment namin ang pinagagawa kong stall. Kailangan kasing kumita dahil nauubos na ang savings namin dahil sa pagpapagamot ni Gina.’’
“Aba okey yan, Sadiq. Anong balak mong itindang pagkain?’’
“Ang balak ko ay iba’t ibang uri ng fries. Pang-snack ba?’’
“Okey yan! Gaya ba ng French fries?’’
“Oo. Iba’t iba. Balak kong gumawa ng camote fries, banana fries, cassava fries na may iba’t ibang flavor. Wala pang gumagawa ng mga yun dito. Marami na akong dinaluhang seminar. Pinag-aralan ko nang mabuti ang negosyong ito JayR.’’
“Okey yan, Sadiq. Papatok yan! Kapag sikat na sikat na yan, magpa-franchise ako ha?’’
Nagtawa si Sadiq.
“Franchise agad e hindi pa nagsisimula, ha-ha-ha!”
“Huwag kang magtawa, Sadiq. Diyan hahantong ‘yan, maniwala ka sa akin.’’
“Sana magkatotoo nga ang sinasabi mo JayR para hindi na kami mamroblema ni Gina.’’
“Kapag nakakuha ako ng franchise sa’yo, lalayas na ako rito sa Riyadh!” (Itutuloy)
- Latest