Sadiq (86)
MALAKI ang naitulong ng padalang pera ni JayR at ni Saleh Al-Ghamdi sa pagpapagamot ni Gina. Kung wala iyon, mahihirapan din si Sadiq kung saan kukuha ng panggastos. Hindi pa naman niya maumpisahan ang negosyong binabalak dahil gusto niyang pag-aralan muna. Isa pa, walang mag-aasikaso kay Gina sa pagpapa-chemo. Halos linggu-linggo ay nasa ospital sila dahil sa chemo session. Siguro, mauumpisahan lamang niya ang naiisip na negosyo kapag sinabi ng doctor na gumagaling na si Gina at matitigil na ang pag-chemo. Pero sa ngayon, mukhang wala pang epekto ang gamutan.
Kaya kapag nasa chemo session si Gina, walang ibang hantungan si Sadiq kundi ang chapel sa ospital. Doon niya inuubos ang dalawang oras habang naghihintay sa asawa. Wala siyang tigil sa pananalangin na sana ay gumaling na ang kanyang asawang si Gina.
Dinggin mo po ako Diyos ko. Kaawaaan mo po ang asawa ko!
Minsan isang umaga, tinawag siya ni Gina. Mukhang problemado ang asawa. Iniwan ni Sadiq ang ginagawa sa kusina at agad lumapit sa asawa.
“Daddy, numinipis na ang buhok ko. Ilang araw ko nang napapansin.”
“Huwag kang mag-worry, Mommy. Di ba sabi ng doctor, epekto yan ng chemo. Pero babalik din ang dating kapal ng buhok mo kapag tumigil na sa session.’’
Napahinga nang malalim si Gina. Hindi nagsalita.
Pero alam ni Sadiq, naiinip na ang asawa. Ayaw lamang nitong magsalita pero sa tingin niya, naiinip na si Gina kung kailan siya gagaling.
“Huwag kang mainip Mommy, gagaling ka. Maniwala ka, gagaling ka.’’
Nakita niyang may dalawang butil ng luha na nag-unahan sa pisngi ng asawa.
(Itutuloy)
- Latest