Sadiq (32)
NAGTUNGO si Sadiq sa opisina ng boss na si Saleh Al-Ghamdi. Naiwan namang nag-iisip si JayR kung bakit tinawag si Sadiq. May nagawa kayang kasalanan si Sadiq? Baka naman dadagdagan uli ng suweldo? Pero imposible iyon dahil kadadagdag lamang ng sahod sa kanila. Maaaring may mahalagang ipagagawa ang boss kay Sadiq.
Kalahating oras si Sadiq sa opisina ni Al-Ghamdi bago lumabas. Inorasan ni JayR nang pumasok ito kanina. Mukhang mahalaga ang pinag-usapan ng dalawa kaya matagal si Sadiq.
Nakangiti si Sadiq nang lumabas sa opisina. Mukhang may magandang nangyari.
“Anong nangyari Sadiq? Anong sinabi sa’yo? Ang tagal mo dun ah!’’
“Nagtatanong lang kung paano makakakuha ng maid o DH sa Pinas si bossing. Ihanap ko raw.’’
“Anong sabi mo?’’
“Sabi ko titingnan ko.’’
“Mayroon kang alam na magdi-DH?’’
“Meron pero hindi ko alam kung papayag.’’
“Magkano raw suweldo?’’
“Hindi sinabi ni Al-Ghamdi.’’
“Paano yun?’’
“Bahala na. Mahirap din kasing makipagkumpromiso at baka mapahamak ang DH na kababayan natin. Maski ba kilala ko si bossing e paano ang asawa niya.’’
“Akala ko ba binata yan?’’
“Nagtataka nga ako e. May asawa pala.’’
“Mahirap nga yan. Baka masungit ang asawa e maltratuhin ang maid. Kawawa naman.”
(Itutuloy)
- Latest