Sadiq(26)
NAGTATAKANG nakatingin si JayR kay Pakito. Ngayon lamang siya kinausap ni Pakito kahit na nagkakasalubong sila. Si Pakito ang madalas magparinig sa kanila ni Sadiq lalo na kapag galing sila sa Batha. Madalas mag-inuman sina Pakito sa salas ng villa. Nakatakbo lang si Pakito kaya hindi nahuli ng mga motawa.
‘‘Anong couple, Pakito ?’’ tanong niya.
“Couple. Mag-asawa. Magkapiling sa kama, he-he-he!’’
Hindi agad makuha ni JayR ang sinasabi ni Pakito. Malabo para sa kanya ang sinasabi nito.
‘‘Hindi ko alam ang sinasabi mo Pakito.’’
“Kunwari pa ito. Marami na kaming nakakaalam dito sa villa e ikaw hindi mo alam, he-he-he!’’
“E hindi ko nga alam e!’’
“O huwag kang pikon. Lalo kang nahahalata niyan.’’
“Anong nahahalata?’’
“Pikon na pikon ka na JayR. Tinatanong lang kita kung ayos ang mag-couple e galit ka agad.’’
“Hindi ko nga alam ang sinasabi mo e.’’
“Mas mabuti pa, itanong mo kay Sadiq. Tiyak na alam na alam ni Sadiq yan. Eksperto yun, he-he-he!’’
‘‘Sira na yata ang ulo mo Pakito!’’
“Huwag kang pikon!’’
Para hindi na humaba ang usapan, umalis na si JayR. Pero nanggigigil na siya kay Pakito. Kung narito lamang si Sadiq tiyak na may kakampi siya.
Mamaya pagdating ni Sadiq, ito ang tatanu-ngin niya ukol sa tinatanong ni Pakito. (Itutuloy)
- Latest