Sadiq (3)
NAISIP ni JayR na baka silahis si Sadiq kaya masyadong mabait sa kanya. Asikasung-asikaso siya nito. Pati ang pagkain nila rito sa Batha ng kabsa ay aligagang-aligaga si Sadiq.
Hindi naman siguro ito silahis. Mabait lang siguro talaga si Sadiq. Palakaibigan. Mayroon talagang ganitong tao na kahit bagong pagkikilala pa lang ay lubos na agad ang pagpapadama ng pagkakaibigan.
“Binata ka ba talaga JayR?” tanong ni Sadiq habang nakatitig sa kanya. Hindi niya makayang makipagtitigan kay Sadiq. Iniba niya ang direksiyon ng tingin.
Naitanong na ito kanina sa kanya.
“Oo Sadiq, binata pa ako.’’
“Ilang taon ka na ba?”
“Twenty five.’’
“Bata ka pa pala. Ako ay 45 na.’’
“May asawa ka Sadiq?’’
“Oo. Tatlo ang anak ko.’’
Nakahinga nang maluwag si JayR sa sinabing iyon ni Sadiq. Hindi ito silahis.
Natahimik sila pansumandali. Pasulyap-sulyap sa kanya si Sadiq. Nakikita niya sa gilid ng mga mata niya.
“Natutuwa ako sa pangalan mo Sadiq,’’ sabi niya para mabasag ang katahimikan.
Nagtawa si Sadiq.
“Kakaiba ano? Kinuha sa pangalan kong Salustiano Diquino. Mga kasamahan natin ang nagbinyag sa akin ng Sadiq.’’
“Akala ko nga Arabic ang name mo.’’
“Hindi.’’
Marami pa silang pinagkuwentuhan ni Sadiq hanggang ipasya na nilang umuwi.
Pagdating nila sa tirahan nilang villa sa Naseem, nakatambay sa lobby ang mga kasamahan nila. Nakatingin sa kanilang dalawa ni Sadiq ang mga ito. Parang mga nagtatanong sa pagkakatingin. Ano kayang nagawa nila ni Sadiq? (Itutuloy)
- Latest