Sa Piling ng Kalapati (90)
“SABI ni Kardo, madali lang daw hanapin ang bahay ng kapatid mo sa Liliw. Malapit lang sa simbahan at sa mga tindahan ng tsinelas,” sabi ng may-ari ng sari-sari store na si Manang Sol.
“Salamat Manang. Sabihin mo po kay Kardo na salamat.’’
“Sabi pa ni Kardo, sa San Pablo kayo sumakay ng jeep patungong Liliw. Dadaan daw ang jeep sa Nagcarlan.’’
“Salamat po uli. Mabuti po at nasabi niya. Ngayon lang po kami makakarating sa Liliw.’’
“Kabisado ni Kardo ang lugar dahil tagaroon ang misis niya. Mababait daw ang taga-Liliw.’’
“Maraming salamat, Manang Sol.’’
“Sige ingat kayo Donna.’’
Nagpaalam na si Donna kay Manang.
Habang naglalakad patungo sa sakayan ay magaan na magaan ang pakiramdam ni Mommy Donna. Ngayong alam na niya ang kinaroroonan ng kapatid ay malaki ang posibilidad na magkita na sila at magkapatawaran. Mababaon na sa limot ang mga nangyari. Mawawala na ang mga dinadala niyang “mabigat” sa dibdib. Magkakaroon na rin siya ng kapayapaan.
Nang dumating si Ruth mula sa opisina, agad ibinalita ni Mommy Donna ang mga nangyari.
“Sa Liliw pala nakatira si Dahlia, Ruth. Malapit daw sa simbahan at sa mga tindahan ng sapatos.’’
“Ah naririnig ko na ang Liliw. Magaganda ang sapatos at tsinelas at saka masarap ang uraro.’’
“Mag-jeep daw tayo mula San Pablo patungong Liliw.’’
“Hindi na tayo mag-rent ng van?”
“Huwag na. Bus na lang tayo mula Maynila patungo San Pablo. Mas mabilis daw malaman ang lugar.’’
“Okey Mommy, go na tayo sa Linggo sa Liliw. Makabili na rin ng sapatos at tsinelas dun, he-he!’’
LINGGO, maagang bumangon sina Mommy Donna at Ruth. Sa bus na biyaheng Lucena sila sumakay. Dadaan ang bus sa San Pablo City.
Habang nasa biyahe, nagdadasal si Mommy Donna na makita agad ang kapatid na si Dahlia.
(Itutuloy)
- Latest