Katherine, apektado sa pang-aalipusta sa walong anak sa anim na tatay!

Umiiyak ulit ang aktres na si Katherine Luna na nag-emote na naman sa kanyang Facebook account.
Ipinost niya ang video niya na may haba na mahigit 12 minutes. Ang caption nito, “Sobrang bigat lang sa loob kaya kailangan ko ilabas.”
May hashtag na #NoToBashing, #bekind, #librelangangmagingmabuti at #angbigatnakasi.
Mugto na ang mata nito na nagsalita tungkol sa matinding bashing na inabot niya nang ibinahagi niya rito ang kanyang lovelife—na may walo siyang anak mula sa anim na karelasyon. Sobrang nasaktan lang daw siya sa matinding komento ng ibang netizens “Ang bigat-bigat na sa loob ko. Kailangan kong i-voice out. Kailangan kong ikuwento, kasi parang sasabog ang pakiramdam at hindi tama ‘to. Lalo na sa sitwasyon ko,” panimulang pahayag ni Katherine.
May mga nag-share raw at pinik-ap ang kuwento niya. Pero ang sasakit daw ng mga komento sa mga ni-repost ng iba. Ipinakita niya ang ibang komento na tinawag siyang “Kati rin yan” at merong mga komentong tinawag siyang “baboy, aso, pusa.”
“Ang daming perfect na tao. Ang daming perfect na tao sa social media talaga,” pakli ng aktres.
Dagdag niyang pahayag, “At hindi lang ‘yun. Okay lang sana kung manghusga kayo ng normal lang. Hindi e. Binastos n’yo na ‘yung buong pagkatao ko. Pati pangalan ko, binastos n’yo. Grabe kayo!”
Nilinaw niya na kaya niya ikinuwento ang tungkol sa kanyang buhay ay “Alam ko ako ‘yung mali rito e. Ang akin lang naman kasi, kaya ko ginawa ‘yung bagay na ‘yun, ang gusto ko lang kasi i-share ‘yung naging story ng buhay ko na kapulutan ng aral ng mga babae na katulad ko. Kasi ang aral naman dun sa kuwento ay huwag tayo magpadalus-dalos ‘di ba? Magtira tayo ng pagmamahal sa sarili natin.
“Matuto tayong pahalagahan bilang babae. Matuto tayong pahalagahan ang ating mga sarili. Na dapat mas mahal natin ‘yung sarili natin.
“Mas mahal natin ‘yung sarili natin kesa sa karelasyon natin. Para ‘pag dumating ‘yung punto na maloko tayo, masaktan tayo, at least hindi tayo madudurog nang husto.
“Hindi ko naman sinabing proud ako. Proud ako sa mga anak ko, dahil sila ‘yung mga naging anak ko. Pero hindi naman ako proud na ‘yun ang naging buhay-pag-ibig ko. Hindi ako masaya na napagdaanan ko ‘yung mga ganu’ng bagay,” sabi pa niya.
Tuluy-tuloy ang pagtulo ng luha ni Katherine nang ipinaliwanag niyang nagmahal lang naman daw siya at lahat daw na anak niya ay bunga ng pagmamahal, hindi dahil sa kati lang.
“Nabuo ‘yung mga anak ko, dahil sa pagmamahal. Hindi naman sila nabuo dahil sa landi lang, dahil sa kati lang. Huwag n’yo kaming durugin kung hindi n’yo naman alam ang buong story. Huwag n’yong durugin ang isang tao kung wala naman kayo sa sapatos niya.”
Marami ang nagbigay ng komento sa post na ito ni Katherine na naintindihan nila ang pinagdaanan nito.
Nakita pa naming nagkomento doon si Klaudia Koronel na nagbigay ng payo sa kanya.
Will at Mika, totohanan na!
Hindi man diretsahang inamin, pero mukhang ganun na nga ang ipinakita nina Will Ashley at Mika Salamanca sa nakaraang premiere night ng pelikulang Saving Cherry ng Regal Entertainment na nag-showing na sa mga sinehan noong Miyerkules.Marami sa mga dating taga-Pinoy Big Brother na dumalo sa premiere night na ginanap sa Gateway Cinema dahil bukod kay Mika, kasama rin sa cast si AC Bonifacio.
Pero sinabi naman ni Will na gusto niya talagang mapanood ang pelikula dahil naikukuwento raw ito ni Mika sa kanya na kakaiba ito sa ibang nagawa niya. “Nabanggit niya sa akin actually, ilang beses niya nabanggit sa akin na it’s very different kung paano talaga siya as a person dito sa character niya sa Saving Cherry. Kaya, I’m very excited to watch it kasi ewan ko parang first din ito sa acting career niya e.
“Iba ‘yung character e. First time ang ganitong character e, kahit maiksi,” sambit ni Will.
Masaya lang daw sila ngayon ni Mika na mukhang sila na nga. Wala naman daw silang dapat itago. “Yes super chill po. Super happy,” napangiti niyang pakli.
Hiningan namin ng reaksyon si Mika rito, at safe lang ang sagot niyang, “Opo. Lahat po na trabaho namin na magkasama. Blessed po kami sa lahat na natatanggap naming trabaho.”
Samantala, excited naman si Will sa Gawad Urian.
Masaya siya na napasama siya sa nominasyon ng kategoryang Best Supporting Actor. Napangiti lang siya sa sinabi ng iba na hindi nga napasama si Tom Rodriguez na nanalong Best Supporting Actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
Happy lang daw siya na natupad na rin ang matagal niyang pangarap na mapansin ng Urian.
“Sobrang grateful ako. Actually, it’s one of my dreams na ma-nominate man lang sa Urian. And now, nangyari na siya, sobrang happy na po ako. Being nominated, malaking bagay na po sa akin e. And kung manalo man po man po ako, sobrang God’s blessing na po sa akin. And I’m very happy kung makuha ko man ‘yung award,” sambit ni Will Ashley.
- Latest























