Tambalang FranSeth, humakot ng higit 7.5 milyong views sa social media

Tinutukan ng mga manonood ang muling pagpapakilig ng tambalang FranSeth nina Francine Diaz at Seth Fedelin sa kanilang iWant vertical drama serye na A Cake to Remember, na humakot din ng higit 7.5 million views para sa unang limang episode nitong napapanood nang libre sa Facebook, TikTok at YouTube pages ng iWant at ABS-CBN Entertainment.
Patuloy rin itong nasa listahan ng most-watched shows ng iWant magmula nang ipalabas ang Part 1 episodes nito noong Agosto 28. Nag-trending din ang serye sa X matapos mapabilang ang “FranSeth Actr on iWant” sa top 50 trending topics sa bansa.
Sa produksyon ng JRB Creative Production at sa direksyon ni Emerald Silvestre, iikot ang romance short serye sa nalimutang pag-iibigan nina Mandy (Francine) at Landon (Seth), kung saan naudlot ang kanilang sana’y kasalan nang hindi sumipot ang groom. Ilang taon ang nakalipas, nagkasalubong muli sila ng landas, ngunit ikakasal na pala si Landon sa iba.
Lingid kay Mandy, naaksidente si Landon bago ang kanilang kasal, dahilan upang siya’y mawalan ng alaala tungkol sa kanya. Sa kabila nito, pipilitin ni Mandy na matandaang muli ni Landon ang kanilang pag-iibigan sa pamamagitan ng pagpapatikim ng mga cake na kanilang pinagsaluhan noon.
Mapapanood na ang Part 1 episodes ng A Cake to Remember at aabangan naman ang Part 2 episodes nito ngayong Setyembre 4 (Biyernes).
- Latest
























