Barbie: ‘Binigay ko ‘yung sarili ko tapos binetray mo ‘yung trust ko!’

Napapanood na ngayon sa mga sinehan ang pelikulang Saving Cherry na pinagbibidahan ni Barbie Forteza.
Kabilang din sa bagong pelikula mula sa Regal Entertainment, Inc. sina Mika Salamanca, Mikee Quintos, AC Bonifacio, Sassa Gurl at Khalil Ramos. Ayon kay Barbie ay ito na marahil ang kanyang pinakamapangahas na nagawang proyekto. “Itong pelikulang ito, no’ng pinitch sa akin ng Regal Entertainment and ni Direk Ivan (Payawal) kung paano nila nilatag sa akin ‘yung istorya, sobrang visual na sa akin ng mga eksena. Tapos no’ng binigay sa akin ‘yung script, ‘yung mga eksena nakakatawa na siya. Siyempre may konting playfulness. Playfully sexy pero napakaseryoso ng mensahe ng aming pelikula because we will talk about challenges in marriage. How to overcome, would you want to overcome it or would you just leave?” pagbabahagi sa amin ni Barbie sa Fast Talk with Boy Abunda.
May kinalaman din sa pangangaliwa ang bagong pelikula ng aktres. Hindi umano pabor si Barbie sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa sino mang lalaki na mangangaliwa. “Sa akin kasi, the way I was raised is that pahalagahan mo ‘yung sarili mo and that’s what I did. Ini-spoil ko ‘yung sarili ko. I treat myself out. Kumbaga gano’n ko kamahal ‘yung sarili ko eh. So, loving another person na hindi ko kadugo, wala akong obligasyon para sa taong ‘yon. Tapos niloko mo ako, bakit? Pinili kita, hindi kita obligasyon pero niloko mo ako. Eh mahalaga ang oras ko, ang atensyon ko. Well, that’s just for me. Hindi lang cheating eh, basta anything that would feel me that I have been treated less. Kasi binigay ko ‘yung sarili ko sa iyo, oras ko, pagmamahal ko, ‘di ba? Tapos binetray mo ‘yung trust ko,” makahulugang paliwanag ng Kapuso actress.
Max, kinilig
Kamakailan ay ipinagdiwang ni Max Collins ang kanyang ika-34 na kaarawan. Bilang selebrasyon ay nagbakasyon ang aktres kasama ang anak na si Skye sa El Nido, Palawan. “Masaya ako lagi ‘pag nasa beach ako. And buti na lang maganda ‘yung weather. It’s very sunny in Palawan. It was nice to take a few days off. Two days lang naman to refresh bago mag-taping ulit,” nakangiting pahayag ni Max sa 24 Oras.
Ngayon ay abala nang muli ang Kapuso actress sa taping ng The Master Cutter na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes. Ayon kay Max ay mas kapana-panabik ang bawat eksena sa naturang action-drama series ng GMA Network. Mapapanood na rin sa Kapuso Primetime series ang karakter ni Jennylyn Mercado na si Olga Bonifacio. Kinilig umano si Max sa muling pagtatambal nina Dingdong at Jennylyn sa isang proyekto. “Nakakakilig sila, silang dalawa ni Atoy. Cute talaga sina Olga and Atoy together. Kailangang abangan ng mga tao kung good ba si Olga or bad. Kung saan mapupunta ‘yung puso niya at the end of the day,” paglalahad niya.
Kailangang pakaabangan ng mga manonood kung saan hahantong ang kwento ng karakter ni Atoy na ginagampanan ni Dingdong. Hindi pa raw maaaring maibahagi ni Max sa publiko kung ano ang tatakbuhin ng kwento ng serye. “Marami pong mangyayari sa family namin and then kay Atoy din. Hindi ko alam kung ano ang pwede kong i-disclose. Pero siyempre hoping pa rin tayo na mabubuo ‘yung pamilya ni Atoy, Audrey at Janine. Sino kaya, Janine or Ibyang? We don’t know,” pagtatapos ng aktres. (Reports from JCC)
- Latest
























