Kylie, ikinasal na sa South Korean Tiktokerist!

Wala akong ideya sa nangyayari sa TikTok, pero nalaman lang naming si Kylie Padilla ang isa pala sa pinaka-hit sa TikTok universe.
Iba rin talaga ang fans niya roon, at ang ikinagulat namin, may nakaka-loveteam pa ang naturang Kapuso actress.
Hit na hit ka sa TikTok kapag marami kang gifts na natatanggap.
‘Yun ang nae-enjoy ni Kylie ngayon, dahil dagsa raw talaga ang ibinibigay na regalo sa kanya tuwing nagla-live ito.
Kaya ang pagla-live ang pinagkakaabalahan ngayon ng aktres kapag libre ang schedule niya.
Meron pa silang tinatawag na “battle” na kung saan nagtatapat ang kilalang TikTokerists.
Bentang-benta raw sa followers ng TikTok ang “battle” ni Kylie sa mga sikat na Tiktokerists ng South Korea.
Tuwing may ka-“battle” doon si Kylie, lagi raw itong wagi sa padamihan ng gifts.
Pero meron silang pinaka-type na maka-partner doon ni Kylie, isang South Korean TikTokerist na si Ethan.
Ini-entertain naman ni Kylie ang pa-cute nitong si Ethan, hanggang sa kinatuwaan sila ng kanila followers. Sini-ship ang kanilang tandem na sinasakyan naman ni Kylie.
Kuwento ng isang kaibigang nahihilig sa TikTok, napupuyat daw siya sa pagtutok kapag nakikipag-“battle” si Kylie sa ilang South Korean TikTokerists.
Madalas daw ay nakakakuha ng pinakamaraming gifts ang Kapuso actress, pero ang maganda lang doon ay nabuo ang magandang friendship sa mga sikat na TikTokerists ng South Korea.
Nakabuo na nga raw ng fans club ang kanilang tandem na tinawag nilang KyThan.
Kamakailan lang ay nagkaroon pa raw ng TikTok wedding sina Kylie at Ethan na kinatuwaan ng kanilang followers.
Noong nakaraang Sabado, ay nakapag-ipon daw ng maraming gifts si Kylie at balak daw nitong i-withdraw para gamitin daw niya sa pamimili ng relief goods na ipamimigay sa mga binaha.
Sabi ng aming kaibigang sumusubaybay sa kanila, nang malaman daw ni Ethan na gagamitin ni Kylie ang gifts sa mga binaha, biglang nag-drop daw ito sa kanilang “battle.”
Malamang na alam na niyang matatalo siya sa padamihan ng gifts dahil tiyak na marami ang magbibigay kay Kylie.
Barbie, naatat ‘magparumi’
Kahapon na nag-showing sa mga sinehan nationwide ang pelikulang Saving Cherry na pinagbibidahan ni Barbie Forteza.
Masaya ang pelikulang ito na sinulat at dinirek ni Ivan Andrew Payawal.
Magagaling pa ang mga artista lalo na si Barbie na napakagaling niya bilang si Cherry Valdez na isang virgin hanggang sa araw ng kanyang kasal.
Nag-umpisa ang kuwento ng pelikula sa kasal nina Cherry (Barbie Forteza) at Jude Nicholas na ginampanan ni Khalil Ramos.
Ipinagmamalaki ni Cherry na isa siyang virgin sa araw ng kanyang kasal. At sa kanilang unang gabi bilang mag-asawa, nainip si Cherry sa paghihintay sa kanyang groom para doon na sana niya ibigay ang kanyang pagkababae.
Hinanap ni Cherry si Jude na natagpuan niyang nasa kandungan ito ng higad na hitad na si Eunice (Monina Lawrence).
Kaya the next day after their wedding, buo pa rin ang pagkababae ni Cherry.
Kasama niya ang mga matatalik niyang kaibigang sina Jewel Fernandez (Mika Salamanca), Beth Guyo (Mikee Quintos), Ingrid Torres (AC Bonifacio), at ang nagmamagandang si Martha Solano (Sassa Gurl).
Sa matinding galit ni Cherry, gusto niyang gumanti. Gusto niyang magpakarumi. Gusto niyang ipawarak ang kanyang pinakaiingatang virginity.
Ang galing ni Barbie sa linya niyang “Virgin pa rin ako!” Iba-ibang emosyon ang pag-atake niya sa linyang ito.
Kaya nagmarka talaga sa pelikulang ito ang “Virgin pa rin ako” at ang isa pang nakakalokang linya niyang “Sino ang tatay mo!”
Kuwelang-kuwela rin dito si Barbie, lalo na sa kuwentong gusto na niyang magpawarak ng virginity sa tatlong lalaking ginampanan nina JC Alcantara, Than Perez at si Kokoy de Santos.
Seryoso ang tema ng kuwento na hindi na bago pero iba ang atake rito ni Direk Ivan Andrew Payawal na tiyak na matataypan ng Gen Z at pati na rin ang millennials.
Pasabog din sa pelikulang ito washing machine na may silbi pala sa mga babaeng natitigang.
Kaya dapat na panoorin ito ng mga kababaihan.
Sabi nga ni Barbie nang sandali naming makatsikahan pagkatapos ng screening, kakaiba raw talaga itong pelikulang ginawa niya.
Nanibago raw siya nang bonggang-bongga niyang ginampanan ang role na Cherry Valdez.
“Nanibago at sobrang liberating niya para sa akin in the best way possible. Kaya sana panoorin n’yo po ang aming pelikula Saving Cherry,” bulalas ni Barbie.
Pagkatapos niyang basahin ang script, nakapag-isip-isip daw siya at may mga na-realize raw siya rito. “Yes. Na habang naghe-heal ka, hindi rin pala masamang mag-enjoy ka hahaha!” sagot niya sa akin.
Sinundan ko ng tanong kung ginawa ba niya ito nung naghe-heal siya ng wasak na puso?
“Secret!” tili niya sa akin.
Agree naman ang leading man ni Barbie rito na si Khalil Ramos na marami kang mapagtatanto sa pelikulang ito. “This explores a lot of, I think very relevant topics that should be discussed in our culture.
“Maraming matutunan ‘yung mga nasa relasyon at nag-iisip papunta sa isang relasyon. Overall, it really is about love in so much different forms and ways. It’s about friendship. It’s about forgiveness. It’s about trust,” saad ni Khalil Ramos.
Sana maganda ang takbo sa takilya nitong Saving Cherry ng Regal Entertainment.
- Latest























