Pinoy moviegoers, ‘di na bet ang poverty porn stories

Ahh masasabi ngang nasa pelikula ang problema, wala sa manonood.
Ito ay kung pagbabasehan ang mga dumagsa sa sinehan para manood ng foreign movie na Insidious.
Ang Insidious: Out of the Further, ang latest installment ng blockbuster horror franchise.
Talagang pinipilahan at na-enjoy ng Pinoy viewers na nagtitilian sabay tawa sa mga eksena nitong nakakagulat kaya ang sayang manood.
Showing ito sa over 400 cinemas sa bansa base sa post ng Columbia Pictures Philippines at kumita raw ito ng P51.7 million sa unang araw nito sa mga sinehan sa Pilipinas.
Ito na umano ang pinakamalaking kita sa unang araw sa isang pelikulang horror sa Pilipinas.
May pagimik pa sa mga SM cinema kaya mas dinadagsa ng mga nanonood sa sinehan.
Nauna nang kumita ng mahigit P1 billion ang pelikulang Spider-Man: Brand New Day.
Nasa ganda talaga ng pelikula at hindi sa mga nanonood ang problema.
Kahit ang karamihan ay sinasabing streaming daw ang kalaban ng mga pelikulang Tagalog. Na mas marami na raw nanonood sa mga streaming platform at ayaw nang gumastos ng mga Pinoy sa sine dahil sobrang mahal ng ticket.
Pero base sa mga nakaraang palabas, hindi totoo ‘yun. Basta maganda ang pelikula, handa silang gumastos.
At ang isang sigurado, ayaw na nila ng mga poverty porn o ‘yung ini-exploit sa kuwento ang kahirapan ng mga Pinoy.
Gusto naman siyempre ng mga nanonood ng sine na maka-relax at makalimutan ang mga nangyayari sa ating bayan na ‘pag nakinig ka ng radio, nanood ng TV o nag-browse sa mga social media platform, pulos depressing ang kuwento at nagaganap.
Kaya bakit ka pa raw gagastos sa sine kung ang mapapanood mo ay paiiyakin ka pa sa awa.
Base na rin ‘yan sa mga tinatanong namin sa panonood ng sine.
Umaasa ang ibang mahilig talaga sa sine na magli-level up na rin ang kuwento ng ibang pelikula natin na magpapasaya sa mga manonood at hindi lang sa mga filmmaker na nakikita ang totoong kuwento sa paglalahad ng mga masasakit na kuwento ng buhay ng mga Pilipino at hindi na lang ang pagbaba ng bayad sa sinehan ang ayusin.
Hindi naman din pagkukumpara ito sa foreign at local films, pero ‘pag maganda naman talaga ang production value, kuwento at iba pang elemento ng pelikulang Tagalog, pinilahan naman sa takilya.
- Latest
























