Curve Entertainment at Flamingo Music, nagsanib-pwersa!

MANILA, Philippines — Opisyal na nagsanib-pwersa ang Curve Entertainment at Flamingo Music, na may layuning palakasin ang distribusyon at visibility ng orihinal na musika mula sa mga umuusbong at kilalang independent artists.
Para kay Curve CEO na si Narciso Chan, Jr., ang partnership na ito ay sumasalamin sa iisang layunin na matulungan ang mga tunay at natatanging boses na mahanap ang kanilang tagapakinig.
Samantala, binigyang-diin naman ni Flamingo Music CEO Apple Hermino ang kahalagahan ng pagbibigay ng mas malawak na oportunidad habang pinapanatili ang sariling indibiduwalidad ng bawat artista.
Kabilang sa mga artistang bahagi ng partnership ay ang singer-songwriter na si Jeno Perey, na ang tunog ay pinaghalong alternative rock at acoustic contemporary pop.
Kasama rin sa lineup si Aneka Abarrientos, na ang debut EP na The Blue Room ay sumasalamin sa kabataan, pag-iisa, at emosyonal na paglago sa pamamagitan ng intimate songwriting at madamdaming melodies.
Ipinapakilala naman ng emerging artist na si El Rona ang isang mainit at nakapagpapagaling na tunog sa kanyang debut single na Kape Muna, habang patuloy na namamayagpag ang all-female indie rock band na Centerfold dahil sa kanilang empowering sound at dynamic stage energy.
Patuloy ring umaangat ang Let Gravity, na ang pinakabagong release na Kwento ng Buhay (Bangon) ay kasalukuyang nangunguna sa mga local chart. Kabilang din sa lineup ang female-fronted alternative act na Walking with Genesis, ang musical collective na Six Parallel, at mga kilalang artist tulad ng Pinoy reggae pioneer na Reggae Mistress, alternative band na Armchairs, at drummer na si Bennii.
- Latest
























