Luis, tuluy-tuloy na ulit ang trabaho!

Peanut at Jessy, may endorsement na
Tuhog na ulit ang trabaho ni Luis Manzano.
Kahapon ay dumating din siya sa red carpet premiere ng Sins of the Father.
All-out nga ang suporta niya sa misis na si Jessy Mendiola na six years ago nang huling gumawa ng teleserye.
“Ang sabi ko nga ang isa sa nami-miss kong gawin ay Home Sweetie Home. Kasama ko si Vhong Navarro, Toni, Gonzaga, Cathy Gonzaga, si Kuya Bayani Agbayani. So, nami-miss ko rin umarte lalung-lalo na ang sitcom,” bungad sa amin ni Luis nang makita namin siya.
Balik-showbiz na ulit siya?
“Yes, nagsimula na ako ng taping. Naka-tatlong araw na ako, nakapag-endorsement na ako, may isa pa akong bagong endorsement next week so tuluy-tuloy. I’m very very thankful na sobrang tiwala sa akin ng ABS-CBN. Nandun ang tiwala ng Kapamilya, lahat ng mga brand na medyo naantala ng konti dahil nagkampanyahan, campaign period. Pagkatapos tuloy pa rin,” kumpirmasyon ni Luis kahapon sa pagbabalik.
At dahil madalas sa kanyang mga social media account ang anak nilang si Peanut, may gagawin na ba silang project na kasama ang anak nila ni Jessy?
“Si Peanut hindi ko pa alam kung willing kaming ipasok sa ganun pero may napag-uusapan kami dati. Sana ako, si mommy (Gov. Vilma Santos) at tsaka si Jessy. May na-present na nga sa amin na mga story, parang may apat o lima. But this was way before the campaign. Siguro mga two years ago na hindi na nag-materialize.
“Pero ako nami-miss ko talaga ang mag-sitcom. Kung sakali man si mommy, ibang klaseng Vilma Santos ang ating makikita kasama si Howhow (Jessy) na siguradong masaya dahil alam na namin ang timpla ng isa’t isa,” sabi pa ni Luis na hindi pinalad na manalong Vice Governor ng Batangas pero mabilis niyang natanggap ang naging kapalaran.
Pero ngayon ba papayagan ba niyang mag-artista si Peanut? “Kung saka-sakali man na gusto niyang subukan ang pag-arte, one, kagaya ng ginawa sa akin ng pamilya ko, studies first. Pero ayoko rin naman na may question siya paglaki niya na... ano kaya ang feeling ng maging isang artista. So, basta kaya niyang sabihin na hindi niya pababayaan ang pag-aaral at kung for example, gawin niya pagkatapos sabihin niya na... hindi ko masyadong gusto maging isang artista, e di at least nasubukan niya,” pahayag niya pa.
Pero nandun na ba ‘yung interest ni Peanut na mag-showbiz?
“Well-performer siya that’s one, kung ano ‘yung boses ko, hindi ko alam kung namana niya o mas maganda pero tuluy-tuloy ‘yung kanta niya. Lahat ng napapanood niya, naririnig niya, kinakanta niya. Ginagamit niya na mic ‘yung mga make-up brush ni Howhow tapos gusto niya pinapanood siya. Nung nasa Hong Kong kami kumakanta siya tapos pagkatapos niya kumanta everybody clapped. Gumaganon sila,” masayang kuwento ni Luis na nag-taping na para sa Rainbow Rumble.
Si Jessy tuluy-tuloy na sa kanyang career?
“Yes, tuluy-tuloy na rin siya. Actually, habang nagkakampanyahan kami, sinimulan na niya ito. Kaya kung makikita ninyo, on my Facebook live dati, kung minsan sa umaga hindi siya kasama it’s because tuluy-tuloy siya. Galing siyang taping. Pinapapahinga ko sa umaga tapos kasama na sa rally sa gabi.
“So, tuluy-tuloy na rin siya. May mga aabangan kayong endorsement kay Howhow at tsaka si Peanut. Napakagandang pagbabalik sa amin. Pinost ko sa vlog ko kanina lang, na ‘yung buong experience ko ng pagtakbo at lahat ng nangyari, pinaka-magandang nangyari, lahat ng mga okay na nangyari,” sabi pa niya patungkol sa naging karanasan noong nakalipas na eleksyon.
Grabe ang suporta noon kay Luis ni Jessy kaya talagang all-out din siya ngayon sa misis.
“Of course, kung ano man ‘yung... ito nga ay isang simpleng pagpunta ko eh kulang na kulang na kulang pa ito sa lahat ng suportang binigay ninyo sa akin throughout the campaign period,” pagkukuwento pa niya Luis.
So, handa na ba siyang mapapanood ang eksena ng misis sa Father of the Sins?
Patawa ang sagot niya: “Ako nag-direct nito. I have to say, bawat uwi ni Howhow sobra siyang happy sa lahat ng ginawa nila, sa mga eksena. It’s very different sa nakasanayan natin. Ms. Jessy Mendiola, kinukuwento niya sa akin lahat ng mga eksena kasama si Gerald, kasama si RK Bagatsing. So kahit ako hindi lang bilang asawa kundi bilang isang Kapamilya, bilang isang fan, excited ako sa mapapanood ko,” sabi niya bago nanood ng red carpet ng Sins of the Father.
Papalit ito sa Saving Grace na pinagbibidahan ni Julia Montes.
- Latest