Bong, magiging abala ulit sa showbiz

Noong Miyerkules, June 11, ang huling session sa Senado na kung saan nagtapos na rin ang 19th Congress.
Bago ito nagtapos, nagbigay ng Valedictory address ang mga senador na nag-graduate na sa kanilang termino, at ang iba naman ay hindi pinalad noong nakaraang eleksyon.
Isa na rito si Sen. Bong Revilla na nagbigay ng kanyang madamdaming Valedictory address.
Sinuportahan ito ni Cong. Lani Mercado at Agimat Partylist representative Bryan Revilla.
Sabi sa akin ni Cong. Lani medyo okay na si Sen. Bong ngayon pagkatapos ng nangyari sa nakaraang eleksyon. Medyo nakaka-move on na pero siyempre hindi ganun kadali.
Pero sabi nga ni Sen. Bong sa kanyang Facebook post nung Miyerkules ng gabi, “Ang huling araw ng Sesyon ng Senado at pagtatapos ng ika-19 na Kongreso ay hindi wakas, kung hindi panibagong yugto—na saan man dalhin ng agos ng buhay, may posisyon man o wala…lagi tayong titindig para sa taumbayan at sa ating bansa.
“Ang puso ni Bong Revilla ay mananatiling laging para sa sambayanang Pilipino. Utang ko ang lahat ng narating at nakamit sa inyo. Kayo ang kaluluwa ng bawat titik at letra ng mga batas na iniukit sa kasaysayan sa ngalan ng inyong kapakanan.”
Nagpasalamat si Sen. Bong sa lahat at nangako siyang hindi magbabago at patuloy na magmamahal sa ating bayan.
Hindi na bago ang tatahakin niya sa mga darating na araw dahil mananatili pa rin siyang artista. Kaya ang dami nang nagtatanong sa amin kung ano ang gagawin niya.
Itutuloy ba niya ang susunod na season ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis? May pelikula ba siyang gagawin o isang series? Meron ba siyang isasali para sa Metro Manila Film Festival?
Isa roon ay sisimulan ni Sen. Bong.
Hindi lang daw puwedeng i-disclose sa ngayon dahil nasa planning stage pa ito.
Nagpapasalamat siya na meron pa ring interesadong kunin siya sa isang magandang project.
Sabi ng isang producer, hindi naman siya kukunin dahil isa siyang pulitiko, kundi isang artista na nandiyan pa rin ang fans na humahanga sa dating senador.
Only..., inasahang lalakas pa!
Sumabay sa showing ng pelikulang Only We Know ang pag-trending ng pagtatagpo nina Dingdong Dantes at Karylle sa It’s Showtime noong Miyerkules.
Pinag-usapan ng netizens ang awkwardness nang magkasama silang naglaro sa isang segment ng naturang noontime show.
Hindi nagtama ang kanilang paningin, walang tsikahan, basta masaya lang na naglaro si Dingdong kasama ang leading lady niyang si Charo Santos-Concio.
Kahit si Vice Ganda na tinutukso pa niya noon si Karylle kapag nababanggit si Dingdong, behaved siya nung araw na ‘yun. Walang tuksuhang naganap!
Unfortunately, hindi maganda ang nakuha naming balita sa box-office.
May ilan pang nagpa-block screening na dinaluhan nina Dingdong at Ma’am Charo. Pero wala pa kaming nakukuhang figures sa ngayon dahil may nakukuha pa kaming impormasyong mahina pa talaga sa ilang sinehan.
Inaasahang tumaas ito kahapon dahil holiday at nasa labas ang karamihan.
Maganda pa naman ang review sa pelikula, at marami raw ang makaka-relate. Kaya sana makabawi ito hanggang sa weekend.
Produ, ‘di umaasa sa roi
Nakakatuwang nandiyan pa rin ang karamihang producers na gustong mag-produce ng pelikula kahit mahina pa rin sa mga sinehan.
Nakausap ko nga ang producer ng BenTria Productions na si Engr. Benjamin Austria, hindi pa rin siya sumusuko sa pag-produce ng pelikula kahit hindi pa rin niya ito nababawi.
Proud siya sa mga pelikulang nagawa niya, pero hindi na raw muna niya iniisip na mababawi niya ang puhunan, dahil nakikita namang wala pa talagang naghi-hit na local films sa mga sinehan.
May ibang malalaking negosyo si Engr. Austria, at doon na lang daw muna siya nakakabawi-bawi para gamitin na naman sa susunod na pelikulang gagawin niya.
Meron pa siyang natapos na pelikulang pinamagatang Graduation Day na pinagbidahan ni Jeric Gonzales.
Ang ating sexy actor na si Dante Balboa ang nagsulat at nagdirek nito, na gustong bigyan ni Engr. Austria ng break sa pagdidirek.
Nag-propose si direk Dante Balboa sa kanya nitong stage play na pinamagatang Walong Libong Piso, pinuhunan niya ito dahil gusto niyang maipakita sa lahat ang galing ng actor/director.
Ang Walong Libong Piso na stage play ay mapapanood sa CCP Tanghalang Ignacio Gimenez sa Aug. 22, 23 at 24.
Bukod sa pelikula at stage play, nakapag-produce na rin ang BenTria Productions ng concert kagaya ng kina Martin Nievera at Pops Fernandez sa Davao, at kumita roon si Engr. Austria.
- Latest