8TH EDDYS eere sa Jeepney TV, Kapamilya Channel at iWantTFC!

Sa kauna-unahang pagkakataon ay mapapanood na sa buong mundo ang 8th EDDYS o Entertainment Editors’ Choice, mula sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Ito’y sa pamamagitan ng partneship ng The EDDYS at SPEEd sa iWantTFC ng ABS-CBN.
Nakatakda ang awards night sa darating na July 20, 2025 at itatanghal sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City.
Habang sabay-sabay na ipalalabas ang kabuuan ng ika-8 edisyon ng The EDDYS sa iWantTFC, Kapamilya Channel, at Jeepney TV ng ABS-CBN sa July 27.
Ang partnership ay pormal na ginanap sa ABS-CBN headquarters sa Quezon City, na dinaluhan nina Kane Errol Choa, ABS-CBN Vice President for Corporate Communications, at Ralph Menorca, Head of ABS-CBN Programming and On-Air Operations.
Sa global presence ng ABS-CBN, tiyak na mas maraming tao, lalo na ang Filipino community sa buong mundo, ang makakasaksi kung paano kinikilala at binibigyang importansya ng samahan ng entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals sa Pilipinas ang mga haligi at icon ng Philippine cinema, gayundin ang mga taong nagpapanatili sa industriyang ito na umunlad.
Ang collaboration na ito ay parang pag-uwi na rin ng The EDDYS, dahil ang ABS-CBN ang kauna-unahang media partner sa inaugural edition ng film awards show noong 2017.
Ang taunang pagbibigay-parangal ng The EDDYS ay bahagi ng pagkilala at pagpapahalaga ng SPEEd sa mga pelikula, artista at iba pang personalidad na itinuturing na pinakamagagaling sa Philippine Cinema.
May 14 acting at technical awards na ipamimigay sa 8th EDDYS na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.
Bukod sa pagkilala sa mga natatanging pelikula nitong nagdaang taon, magiging highlight din ng pinakaaabangang awards night ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing na mga haligi ng movie industry.
Sila ang mga artista, direktor at iba pang personalidad na hindi matatawaran ang kontribusyon, dedikasyon at pagmamahal sa industriya ng pelikulang Pilipino sa loob ng mahabang panahon.
Ang ilan pa sa mga special award na ipamamahagi ay ang Isah V. Red Award (ang mga walang sawang tumutulong at nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan), ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award (para sa mga natatanging miyembro ng entertainment media).
Bukod dito, kikilalanin din sa gabi ng parangal ang Producer of the Year.
Muli ring pararangalan ng grupo ang mga naging bahagi at lumaban para sa patuloy na pagbangon ng Philippine movie industry sa ikalawang taon nito sa The EDDYS Box Office Heroes.
Abangan ang iba pang mga detalye sa inaabangan nang 8th The EDDYS sa official Facebook page ng The Eddys (The Entertainment Editors Choice).
- Latest