Coco at Julia, kikitain ang mga Kapamilya sa Africa

Bibiyahe sa Africa sina Coco Martin at Julia Montes.
Sa unang pagkakataon nga ay dadalhin ng ABS-CBN ang Kapamilya stars sa Kenya para sa isang masayang selebrasyon upang magpasalamat sa ilang taong pagsubaybay sa mga programa ng ABS-CBN na umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa.
Isa itong milestone dahil pagkatapos ng maraming taon na pagtangkilik ng mga taga-Kenya sa mga Kapamilya teleserye, personal na nilang makakasalamuha ang Kapamilya stars na napapanood lang nila noon sa mga paborito nilang serye.
Makakasama nga ng fans ang CocoJul sa Kapamilya Live in Kenya para ipagdiwang ang parehong kultura ng Pilipino at Africa na gaganapin ngayong Hunyo 28 sa Nairobi Cinema.
Bukod dito, inanunsyo na rin ng ABS-CBN ang pag-ere ng kinakikiligang serye nina Coco at Julia na Walang Hanggan sa Hulyo, at ang serye naman na pinagbibidahan ni Julia na Saving Grace na ipapalabas sa Setyembre. Pareho itong mapapanood sa StarTimes channel ngayon taon.
Tuluy-tuloy ang pamamayagpag ni Coco sa Africa kung saan patok sa mga manonood ang serye niyang FPJ’s Batang Quiapo, na kilala sa pamagat na Gangs of Manila at kasalukuyang umeere sa 41 na bansa sa Africa. Tumatak din sa mga manonood sa Africa ang mga teleserye ni Julia tulad ng Ikaw Lamang, Doble Kara, Asintado, at iba pa.
Mahigit dalawang dekada nang umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa ang mga programa ng ABS-CBN.
- Latest