Batang riles… at lolong, tsutsugiin na!

Maraming pagbabagong aabangan sa GMA 7 sa susunod na buwan.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, hanggang June 6 na lang ang Mga Batang Riles, at baka ang Sanggang Dikit ang ipapalit sa timeslot na ‘yun na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Pero ang mas madalas na lumalabas ang teaser ay ang Sang’gre na ipapalit daw sa Lolong na magtatapos na rin pala sa June 13.
Kaya mas kaabang-abang ito, para may bago namang susubaybayan.
Pagdating sa weekend ay may mga bago na ring mapapanood.
Ang The Clash ay sa June 8 na magsisimula, sa timeslot ito ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab. Kaya mababawasan ng isang episode ang naturang reality show.
Pero wala ring linaw sa amin kung ano naman ang timeslot ng Stars on the Floor ni Alden Richards.
Bandang end of June naman daw ito magsisimula. Kung sa weekend din ito, posible kayang kukunin nito ang timeslot ng PBB sa Sabado?
Kahit malakas online ang PBB, hindi pa rin ito kasinlakas ng ibang programa sa weekend.
Ang The Clash dati ay hindi single digit ang rating, na hindi man lang naabot ng PBB. Pero sobrang bumabawi naman ang PBB sa online, at napapasikat nila ang housemates.
Patuloy itong nagte-trending sa X at talagang pinag-uusapan ang housemates sa loob ng Bahay ni Kuya.
Kaya malaking tulong pa rin ito, lalo na sa GMA 7 na sumisikat na ang Sparkle talents nila.
Mukhang marami talagang kailangang baguhin sa primetime dahil hindi pa rin talaga umaalagwa sa ratings.
Ang afternoon slot lang ang maganda ang performance, kaya matagal-tagal pang matatapos ang mga programa.
So far, namamayagpag pa rin ang mga drama series sa hapon, kagaya ng Prinsesa ng City Jail at ang Mommy Dearest.
Kahit ang Binibining Marikit ni Herlene Budol ay gumaganda na rin ang ratings, kaya nananatili pa rin itong nasa ere.
Okay pa rin ang Family Feud, pero ang napapansin namin mas mataas ang rating ng game show na ito kapag hindi artista ang naglalaro. Kaya meron nang magician, vloggers, weather forecaster, mga bata, at iba-iba pang propesyon.
Ruffa, takot magsalita sa lovelife!
Game na game naman si Ruffa Gutierrez sa pagsagot tungkol sa kanila ng karelasyong actor-pulitiko, dahil lang sa ipinost niya sa kanyang Instagram account na magkasama sila.
Pero ayaw na niya sanang pag-usapan pa ito dahil mas gusto naman niyang pag-usapan ang bagong endorsement niyang Magical Gems by Isabel and Alexandria, ang bagong jewelery company na magkakaroon na ng boutique sa Davao.
Bubuksan itong kanilang boutique sa Davao sa darating na June 3, at nakapag-commit na si Ruffa na dadaluhan niya ito.
Maraming kuwentong alahas si Ruffa na ibinahagi sa dumalong entertainment media.
Naikuwento pa niya ang mga alahas na naibigay sa kanya ng dating asawang si Yilmaz Bektas, pero nang sinundot namin ng tanong kung nagbigay rin ba ang kasalukuyan niyang boyfriend ng alahas, napangiti lang ito.
Nakikita namang masaya si Ruffa sa kanyang lovelife. Pero base sa mga sagot niya, ramdam naman naming mas gusto niyang mag-focus sa kanyang pamilya, lalo na sa dalawa niyang anak na sina Lorin at Venice.
Bukod pa riyan ay maganda ang career niya. Kaya ‘yun talaga ang priority niya.
Handa ba siya sa posibilidad na mag-alok sa kanyang ng kasal at may engagement ring na nakalaan sa kanya?
Ani Ruffa, “I’m not closing my doors. I remember every time after the breakdown of my marriage with Yilmaz, sabi ko ayoko na magpakasal, because I was so traumatized.
“But my friends, you know… I go to Bible study as well and sabi nila, never say never. Hindi natin masabi ‘yung future.”
Doon pala sa media launch ng Magical Gems ay suot ni Ruffa ang kuwintas at singsing nito na Blue Topaz at pink sapphires. Mga precious at semi-precious stones ang ginagamit ng Magical Gems, pero mamahalin pa rin kung tutuusin.
- Latest