Paolo, ayaw pag-usapan si Yen!

Ngayong araw ang showing ang ConMom ng Mavx Productions, tampok sina Paolo Contis, Patrick Garcia, Kaye Abad, Empoy Marquez, Kit Thompson at introducing ang batang si Valerie Talion.
Hinaing ng taga-Mavx, konting sinehan lang daw ang naibigay sa kanila dahil malalaking foreign films ang katapat nito.
Kaso-showing lang ng Mission Impossible: The Final Reckoning, at mag-showing na rin ang Final Destination, Thunderbolts at meron pang Lilo & Stitch.
Nakausap namin sa radio program namin sa DZRH ang isa sa mga bida ng pelikula na si Paolo Contis at tanggap naman nilang mahirap talagang tapatan ang mga malalakas na Hollywood films lalo na mahina pa rin naman daw talaga ang local films.
Kaya malaking bagay rin ‘yung napupunta sa streaming kagaya ng Netflix ang mga pelikula nila dahil doon lang daw talaga sila nakakabawi. “Malaking tulong ang streaming sa amin, kasi may mga times talaga na wala na masyadong gana ang mga taong manood ng sine.
“Sa streaming platform, mas nagkakaroon kami ng lakas ng loob, because alam namin eventually na meron ding fallback na kikitain ‘ika nga. It gives us the opportunity to produce again.
“Siyempre ang gusto namin, at the end of the day kumita siya sa sine. Pero dahil sa streaming mas may confidence kami na mababalik ‘yung puhunan para makapag-produce ulit,” pag-amin ni Paolo.
Kaya tama rin daw ang ginagawa ng ilang producers na binababaan nila ang presyo ng ticket para sa mga estudyante na ginawa ng Regal Films nung ipinalabas nila ang Untold ni Jodi Sta. Maria.
“Naniniwala ako na kailangan babaan. Regardless kung ano… malaking tulong ito kung estudyante ka o ano or hindi.
“Puwede mong sabihin na eto ang presyo ko, pero wala namang bumili, kesa liitan ang presyo mo, it’s still better.
“At this stage kailangan nang magtulungan e. Ang sinehan, mga producer, mga artista, para lang sumigla ulit ang pelikula, and then eventually, maybe… bakit hindi? Taasan uli. Pero habang naghihingalo, magtulungan na. Tingin ko. It’s just my take,” sabi pa ni Paolo.
Kinunan ang kabuuan ng pelikula sa Boljoon, Cebu, kaya doon sila nagpa-premiere night kagabi na ginanap sa SM Cebu Cinema 1.
Pagdating sa personal na isyu, lalo na sa kanyang lovelife ay iniiwasan na itong sagutin ni Paolo.
Hihingan sana namin siya ng reaction sa magandang pagpayat ngayon ni Yen Santos at ang pagbabalik nito sa trabaho, pero “choppy ka, Gorgy! Choppy ka!” ang sagot niya sa akin.
“Masaya ako sa trabaho ko ngayon. Huwag mo nang dalhin kung saan-saan,” tili niya pa.
Nandiyan ang regular niyang gag show na Bubble Gang, tuluy-tuloy pa rin siya sa Mga Batang Riles, at may mga natapos pa siyang pelikula.
“At least ngayon, I’m working on self-improvement with lahat, lahat ng aspeto ng buhay ko.
“Kaya nga tinatago ko na sa sarili ko, kasi ‘yan na ang tama sa ngayon. Sa ngayon. Eventually, ‘pag may puwede na akong ikuwento, ‘pag may puwede na akong sabihin, babalik din tayo dun,” dagdag niyang pahayag.
Naka-focus din siya sa kanyang inang may sakit, kaya lagi raw niyang dinadalaw.
“Si Mama kasi, siyempre hindi naman siya bumabata. Mas focused ako sa mama ko ngayon, we’re hoping na mas lumakas pa siya nang lumakas. ‘Yun naman ‘yung gusto nating mangyari,” sambit ni Paolo Contis.
- Latest