Arnell Ignacio, ayaw magsalita sa bintang na 1.4 bilyon na anomalya

Ayaw magsalita ni Arnell Ignacio tungkol sa pagkakasibak sa kanya bilang OWWA Administrator. Pinayuhan nga raw itong hindi na muna magsalita.
Nagbigay lang ng statement si Arnell nung lumabas ang desisyon ni President Bongbong Marcos na papalitan na siya ng Migrant Workers Undersecretary Patricia Caunan.
Ang sabi lang ni Arnell; “Kung ito ang desisyon ng Palasyo, wala akong sama ng loob. Sa lahat ng OFWs at OWWA employees na naging parte ng aking panunungkulan, maraming salamat.
“Naglingkod ako nang buong puso, at mananatili akong tagasuporta ng mga OFW saan man ako dalhin.”
Hindi na sumagot si Arnell sa ibang tanong ko. Pero ang daming nagtatanggol kay Arnell.
Halos lahat na mga OFW na nagko-comment sa ilang online news ay hindi naniniwala sa ibinibintang sa kanya.
May ilan ding taga-showbiz na nagpo-post sa kanilang social media account kung gaano nila kakilala ang dating OWWA administrator.
Kahit ako ay nasubukan ko rin si Arnell noong nasa PAGCOR pa siya, at maingat siya sa mga ganung transaksyon.
Kaya naniniwala ang karamihan na isyung pulitika itong nangyari kay Arnell.
Katatapos lang ni Arnell ng pelikulang Jackstone 5 na in-affiliate pa naman niya sa OWWA.
Kaya nga nilinaw niya noong huli namin siyang nakausap na hindi siya tumanggap ng talent fee para sa pelikulang iyun. “Hindi puwede. Kasi hindi mo maipaghihiwalay e. Kakailangan nung project ‘yung consultation e,” pakli ni Arnell.
Bago mag-eleksyon ay natapos na nila ang shooting nung pelikulang iyun na tumatalakay sa kuwento ng limang magkakaibigang bading na nag-OFW. Kaya maiko-connect daw nila sa programang pino-promote ng OWWA. “Kasi ito rin naman ang gagawin namin e. Kailangan din naming makagawa ng mga programa na may kinalaman sa information dissemination.
“Dito kasi madi-discuss e. Parang ginawa natin sa When I Met You In Tokyo. E napaka-effective ng medium ng pelikula para ipaliwanag. Instead of pa-seminar kami nang pa-seminar. E dito sa karanasan na mapapanood nila, sa dinaanan namin, mas madaling intindihin. Ang programa ng OWWA, ano ang dapat mong gawin kapag ganitong mangyari….mas madali,” sabi pa ni Arnell Ignacio.
Hindi pa nila ako nasagot kung ano na ngayon ang gagawin nila sa pelikulang ito na Jackstone 5, ngayong wala na si Arnell sa OWWA.
Ipo-promote pa rin kaya nila ang mga programa ng naturang ahensya sa pelikulang iyun?
Singer/Actor na si Arkin Del Rosario may kutob na sikat na aktor ang totoong ama
Naungkat ang kuwento ng buhay ng singer/actor na si Arkin del Rosario nang kumalat sa social media ang hubad na litrato niya.
Nagulat daw siya isang umaga nang nakita niyang nakabalandra na sa kanyang IG account ang hubad niyang litrato. “Yung mga pribadong larawan at videos na kung saan ay hindi dapat inilalabas ay nakita sa social media ng public.
“Mga two weeks ago ko lang nalaman na nag-iba iyung numero or numbers ng Instagram ko.
“Alarming. That’s why we need extra security when it comes to our phone, our social media accounts. Kailangan natin diyan ng tight security,” saad ni Arkin.
Pero dahil diyan, nakalkal at nagkainteres ang iba tungkol sa kanya.
Nakapanayam namin si Arkin sa radio program namin at nabagbag kami sa kuwento ng buhay niya na lumaki pala siyang walang magulang.
Iniwan silang apat na magkakapatid ng kanilang ina at ama. Ang panganay niyang ate ang nagkupkop sa kanila hanggang sa nakapag-aral.
Pero hindi ito natapos ni Arkin dahil pinasok na niya ang showbiz. Naging miyembro siya noon ng dating sikat na all-male group na XLR8.
Ngayon ay lumamlam ang career, nakagawa ng ilang pelikula sa VMX at balak na niya ngayong bumalik sa pag-aaral. Gusto raw sana niyang mag-aral sa isang Maritime school.
Pero ang isa sa gusto sana niyang mangyari ay makilala na niya ang kanyang tunay na ina at ama.
“Lumaki kasi yung wala akong parents talaga,” pakli ni Arkin.
Wala raw siyang ideya kung sino ang kanyang magulang pero, nitong mga nakaraang taon ay nagkaideya na raw siya dahil sa social media.
“ Gusto ko lang po ng clarification kung ano po yung totoo, kung ano yung nangyari. Hindi lang kasi ako ang naapektuhan nang sobra-sobra kundi ang mga kapatid ko,” saad nito.
Hangad daw sana niyang makilala na nilang magkakapatid ang kanilang magulang para mabuo naman ang kanilang pamilya o para magkaroon lang ng closure sa kanyang buhay.
“Ang gusto ko lang malaman po ay kung sino talaga ‘yung tatay ko at yung nanay ko. Kasi nasa showbiz industry daw po yung father ko. Medyo nalilito po ako kung motivational business leader or 90s heartthrob or private banker. Hindi ko po alam kung sino.
“Pero sikat daw na leading man ng isang sikat na leading lady nung 90s. Hindi ko po alam.
“Marami pa rin akong katanungan, pero at least papano nabawasan yung pagpipilian kung sino,” malungkot na pahayag ni Arkin del Rosario.
Ayaw lang niyang sabihin kung sino itong aktor, dahil kutob pa lang daw niya. Kaya inaalam pa raw niya.
- Latest