Zaijian at Jane, vacuum ang tikiman

Vacuum kissing ang ginawa nina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza sa Puregold digital series na Si Sol at Si Luna.
As in, parang hinihigop daw ni Zaijian si Jane sa ilang eksena na napanood sa trailer sa ginanap na media conference nito noong isang araw sa World Trade Center.
Parang kailan lang na nagbida siya sa May Bukas Pa. Kaya naman ang biruan, lagot siya kay Bro.
Ang SI Sol at Si Luna ay isang 13-episode digital series na iikot ang kuwento sa 18-year-old college student na si Sol (Zaijian) at sa 30-year-old na babae na si Luna (Jane), na ipinagluluksa ang pagpanaw ng kanyang fiancé (Vaughn Piczon).
Kumusta naman ang pagganap ni Zaijian sa isang mature role?
“Kasi hindi ko alam kung paano ako tatanggapin ng mga tao na gumagawa na ako ng ganung role. Pero, at the same time, sabi ko sa sarili ko, mas maganda na nacha-challenge ako. So, mas maganda rin ‘yung naibibigay ko.
“Dahil ‘yun naman ‘yung gusto ko ‘pag nacha-challenge ako. Mas napu-push ako na gawin nang mas maganda ‘yung ginagawa ko.
“At ‘yun, siguro sa mga nagsasabi na baka mukha raw akong bata tingnan.
“Kasi ‘yun naman talaga ‘yung istorya po, coming of age talaga siya na ipapakita ‘yung complexity kung paano na-in love ang isang 18-year-old sa isang 30-year-old.
“Kung paano rin ibabalik nung 30-year-old ‘yung sa 18-year-old, parang ganun,” paliwanag ng young actor sa ginampanang role sa nasabing digital series.
Kaya nang mapanood niya ang trailer lalo na ang vacuum kissing scene nila ni Jane, aniya ay masaya siya at na-proud na ginawa niya ‘yun.
“Masaya kasi first time ko nga siyang ipapakita sa mga tao na kaya ko ring gumawa ng ganun. Sobrang malaking step ‘yun para sa akin,” sabi ni Zaijian sa ilang nag-interview sa kanya.
Nauna na ring naakit ni Zaijian ang mga manonood sa kanyang papel sa High Street, kung saan ginampanan niya ang karakter ng LGBT.
Nagpapasalamat siya na mas tumatak siya bilang inosenteng si Santino, pero gusto rin naman aniya ng bagong karanasan. “I’m thankful for the way people got to know me through Santino, but I want to try out other roles and gain experience connecting with different characters,.
At nang tanungin si Jane kung ano namang masasabi niya sa ginampanang role
“Halu-halo kasi sobrang isa ito sa mga mina-manifest ko na project. And feeling ko, nag-align ang stars ng universe, ang araw, at ang buwan, kaya nagawa ang project na ito. Kaya masaya ako na naging parte nito,” pahayag ng karelasyon ni RK Bagatsing.
Dahil first time ni Zaijian sa ganung role, inalalayan niya ang young actor.
Pero aniya hindi porke’t nakagawa na siya ng mga passionate kissing scene, hindi na siya nag-effort.
“Siyempre kahit naman may nagawa akong ganun before, first time din namin ‘yung gagawin na kami iyong nasa eksena.
“So it’s always siyempre something new. You have to get to know siyempre your co-actor, ‘di ba, and what helps them.
“So, ‘yun naman din, and na-enjoy namin ‘yung buong series kasi…Of course, andun ‘yung alalay.
“Kasi siyempre, first time ni Zaijian. And andun naman kami ni Direk Dolly as professionals.
“So, nabantayan naman ang eksena at saka, ‘yun nga, everything was so professional,” mahaba-haba pang paliwanag ng aktres.
Nang tanungin si Jane kung kumusta naman ang halik ng kapareha, aniya dapat na panoorin sabay tawa niya.
Kaya naman pinupuri ng young actor ang tinuturing niyang ate.
Aniya, ay ginawa ni Jane ang lahat upang suportahan siya na nadaan sa magandang usapan.
Lahat daw talaga ng suporta ay binigay ni Jane lalo sa mga sensitibong eksena na ginawa nila.
Pero may pagkakataon daw talaga na nanlalamig ang kamay ni Zaijian ‘pag may ginagawa silang maselan.
Na para kay Zaijian ay napaka-importante ng koneksyon.
“Speechless! Kasi wala akong nasabi after ng eksena,” pahabol ng young actor.
Pero sabi naman ng actres ay tanggap ng karelasyon niya ang kanilang ginawa.
“Kasi siyempre part ito ng trabaho natin. And ‘yun nga, parang professional din naman kami. So, kung ano ‘yung kailangan sa work, sa character, sa kuwento, siyempre ‘yun ang work namin.”
Mapapanood din sa palabas sina Joao Constancia, Karina Bautista, Polo Ravales, Uzziel Delamide, Lyle Viray, Jem Manicad, Marnie Lapus, Adrian Reyes, Syrel Navarro, Cheena Crab, at Atasha Franco at executive producers ay sina Chris Cahilig at Ivy Zharisse Piedad.
- Latest