David, nag-hard goodbye sa PBB!

Tuluyan nang nakalabas mula sa Pinoy Big Brother house si David Licauco. Pumasok ang Kapuso actor sa bahay ni Kuya bilang houseguest noong isang linggo. Ayon sa binata ay talagang nahirapan siyang magpaalam dahil napalapit na rin sa housemates sa loob ng limang araw na pananatili sa PBB house. “‘Yung goodbyes, siyempre naging close rin sa mga housemates and naging close na rin sa environment. So yeah, it was a hard goodbye to everybody,” pagtatapat ni David sa 24 Oras.
Lubos ang pasasalamat ng aktor sa pamunuan ng GMA Network dahil nabigyan ng pagkakataong maranasan ang pamumuhay sa loob ng PBB house.
Naging mainit din ang pagtanggap ng housemates kay David sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. “I’m grateful for this experience. Thankful to GMA for allowing me to experience Pinoy Big Brother. Kasi pangarap ko rin ‘yon dati noong bata ako. Maraming emotions, maraming nangyayari na hindi nakikita ng mga tao. Eventually naman, they really opened to me. Ginuide po nila ako. Hindi po nila sa ‘kin pinaramdam na extra ako sa kanila. Marami po akong naging kaibigan na sigurado po ako paglabas ay magiging kaibigan ko pa rin,” pagbabahagi ng nakilalang Pambansang Ginoo.
Para kay David ay malaki ang pagkakaiba ng mga pagkain sa loob at labas ng bahay ni Kuya.
Ang pagkain ng mga karne ang hinahanap-hanap ng aktor ngayon dahil sa naranasan sa loob ng limang araw. “Chicken, lahat po ng meat. Dahil puro gulay po ‘yung kinakain namin sa loob at tsitsirya. Puro tsitsirya at saka ice cream, kanin, lollipop. Puro sabaw, gano’n,” kwento ng Kapuso actor.
Jennylyn, sanay na sa tunog ng baril
Kahapon ay ipinagdiwang ni Jennylyn Mercado ang kanyang ika-38 taong kaarawan. Wala na raw ibang mahihiling pa ang aktres kundi ang pagkakaroon ng maayos na kalusugan. “Sapat na, na magkakasama kami at healthy kami. Walang magkakasakit. Napaka-importante ng health lalo na sa pamilya para mas matagal pa kaming magsama-sama at siyempre makapagtrabaho. Kasi ‘pag hindi ka fit and healthy, ang hirap gumalaw, ‘di ba?” nakangiting pahayag ni Jennylyn.
Magkatrabaho sina Jennylyn at Dennis Trillo ngayon sa seryeng Sanggang Dikit na malapit nang mapanood sa Kapuso Network. Mayroon ding birthday wish si Dennis para sa misis. “Napakaganda ng pasok nitong taon na ‘to. Sana magtuluy-tuloy pa ‘yung blessing para sa ‘yo at para sa pamilya natin. Siyempre ‘yung health din. Medyo nagkaka-edad na kami at medyo napaka-demanding ng mga kailangan naming gawin dito sa show na ‘to. Gusto ko lang lagi siyang maging safe sa lahat ng mga eksena at mapangalagaan niyang husto ‘yung pangangatawan niya,” paglalahad ni Dennis.
Bilang paghahanda sa maaksyong eksena ay kinailangang mag-training ni Jennylyn sa paghawak at paggamit ng baril. “No’ng una, lalo na po sa baril. Kasi takot ako sa baril. Hindi ako sanay humawak ng baril at ‘yung tunog ng baril, ‘yon ‘yung pinaka-ayoko. Pero ngayon parang medyo nasasanay na rin,” kwento ng Kapuso actress. — Reports from JCC
- Latest