Coco, nahatak si Lito?!
Ang analysis ng mga self-proclaimed political analyst, malaki ang naitulong ni Coco Martin sa pagpasok sa Magic 12 ni Lito Lapid.
Sa huling mga araw ng kampanya ay sumama na si Coco sa mga rally ni Sen. Lito na nasa number 12 nga sa nagaganap na bilangan ng mga nanalong senador sa katatapos na midterm elections.
Aside from Coco, sinasabi rin nila, malaking tulong din si Lorna Tolentino na ayaw magsalita kung anong meron or something sa kanila ng senador/aktor after na magtambal sila sa Batang Quiapo.
Gulat kasi ang marami na si Sen. Lito lang ang lumusot sa mga artistang tumakbo sa senado.
Anyway, isa na namang maaksyong linggo ang manonood sa FPJ’s Batang Quiapo sa muling pagsabak ni Coco sa bakbakan, pati na rin ang pagpasok nina Leo Martinez at Angeli Khang sa hit primetime series.
Mauuwi kasi sa isang mabagsik na harapan ang mag-amang Tanggol (Coco Martin) at Ramon (Christopher de Leon), laban kina Miguelito (Jake Cuenca) at Roberto (Albert Martinez) matapos magka-aberya ang isang malaking transaksyon nila sa droga.
Pero mukhang mas may matinding bakbakan pa ang naghihintay kay Tanggol dahil hindi na ito nagdadalawang-isip pa na muling kalabanin ang sariling amang si Ramon. Gusto na kasing kumalas ni Tanggol sa mga iligal na transaksyon ni Ramon at handa na siyang magbagong buhay para maging mabuting tao.
Dagdag pa sa kalbaryo na haharapin ni Tanggol ay ang pagpasok sa serye ng mga karakter nina Leo at Angeli, na mula sa isa sa pinakamakapangyarihang sindikato sa bansa at maaaring makabanggaan ni Tanggol.
Napapanood ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.
- Latest