Ate Vi, nasaktan sa nangyari kay Luis?!

Hindi nadaluhan ng bagong halal na gobernador ng Batangas na si Ms. Vilma Santos ang kanyang proclamation dahil nagkasakit daw ito.
Dalawang beses kong na-text si Ate Vi para kumustahin sana si Luis Manzano, pero hindi na siya sumasagot.
Nasaktan kaya si Ate Vi sa hindi pagkapanalo ng kanyang panganay?
Pero kailangan pa rin nilang magdiwang dahil nanalo naman si Christan Recto bilang Congressman ng district 6 ng Batangas.
Kaagad namang natanggap ni Luis ang pagkatalo niya sa nakaraang eleksyon.
Nag-post siya sa kanyang Facebook page ng mensahe niya para sa mga Batangueño.
Aniya, “Hindi man tayo pinalad sa resulta ng halalan, panalo rin ako, dahil sa inyo.
“Sa bawat ngiti, kwento, at yakap na ibinahagi n’yo sa kampanya, mas naramdaman ko ang tibok ng puso ng Batangas. Mas napalapit ako sa inyo. Mas nakilala ko kayo, at iyon ay habang buhay kong babaunin.
“Salamat sa mga supporters, sa pamilya ko, at higit sa lahat, sa Diyos na naging gabay sa buong laban.
“Masigla at napakasaya ng kampanya dahil nakasama ko kayo. At kahit tapos na ang eleksyon, ito ay umpisa pa lamang ng matagal pa nating pagsasamahan,” bahagi ng mensahe ng Kapamilya actor/TV host.
Tiyak naming may babalikan pang show si Luis sa ABS-CBN, at puwede pa siyang pumalaot uli sa pulitika dahil bata pa naman.
Ang ibang hindi nagwagi na may naiwang show ay mukhang wala nang babalikan.
Meron namang kandidatong artista na interesado pa rin ang producers na gawan siya ng pelikula at show.
Sabi nga nila, hindi na nadadala ngayon ang mga botante sa kasikatan ng isang celebrity. Kaya gamitin na lang ang kasikatang ito sa magandang show at pelikula.
Mga teleserye, nasapawan ng eleksyon!
Nakatutok ang taumbayan sa bilangan ng eleksyon noong Lunes, kaya na-preempt ang mga programang ipinalabas sa GMA 7.
Nasa primetime ang kainitan ng bilangan ng mga boto, kaya dedma muna sa mga teleserye. Mas gusto ng mga taong tutukan ang teleserye ng totoong buhay.
Bago pa ang 24 Oras sa GMA 7, nagsimula na ng coverage sa eleksyon na kung saan, sa mga oras na ‘yun pasara na ang mga voting precint. Kaya naka-7.1 percent na ito na mataas na ‘yan sa oras na ‘yun.
Pagkatapos nito ay ang 24 Oras na naka-12.9 percent. Mahaba ang coverage nito na tinapatan na ang Batang Quiapo.
Kaya for the first time ay natalo nito ang teleserye ni Coco Martin.
Faney ni Nora, apektado ng ulan!
Sunud-sunod na ang pag-ulan sa hapon kaya naapektuhan daw ang shooting ng tribute movie kay Nora Aunor na Faney.
Pinaspasan pala nilang matapos ito ngayong linggo dahil naka-schedule na raw ipa-MTRCB sa Lunes, at sa Miyerkules, sa mismong kaarawan ni Nora Aunor ang screening nito na gaganapin sa Gateway Cinema.
Magkakaroon ng programa para sa Noranians, at doon na i-screen ang naturang pelikula.
Si RS Francisco ang isa sa producers nitong Faney, pero hindi pa raw nila napapag-usapan kung magkakaroon ito ng theatrical showing.
Doon daw muna sila nakaplano sa tribute kay Ate Guy sa mismong kaarawan. Kaya inaasahang dadagsain ito ng Noranians.
“Para po sa kanila, at saka sa mga hindi rin po. ‘Yung tumitingin from afar kung sino si Ate Guy. Para makilala rin nila kung sino si Ate Guy,” pakli ni Direk Adolf Alix.
Sabi pa ni direk Adolf, matata-touch din sa pelikula ang rivalry nina Nora at Vilma Santos.
Pero hindi pa masabi ni direk Adolf kung paano nila gagawin. Pero ang dinig namin, nire-request daw nilang mag-guest si Roderick Paulate na gaganap bilang isang Vilmanian.
Na-enjoy raw nila ang kanilang shooting dahil nagkakasama na sila sa ilang trabaho at kampante na sila sa isa’t-isa.
“OK naman po. Masaya kami. Si Direk Laurice at si Direk Gina, nakatrabaho ko na sila regularly sa iba’t ibang capacity sa TV at sa pelikula.
“So masaya po na nagsama-sama kami ulit. Si Angeli, matagal ko na ring hindi nakatrabaho. Si Althea, sa Arabella ko nakatrabaho.
“So ansayang tingnan ‘yung iba-ibang generation na magkakasama sila sa isang project.”
Bukod kina direk Gina Alajar at Laurice Guillen, kasali rin sina Angeli Bayani at Althea Ablan na first movie pa lang pala niya ito.
Nakaka-pressure raw kay Althea kapag nakakaeksena niya ang mga magagaling na beteranang artista.
“Pero sabi ko, ‘Huwag kang ma-pressure.’ Kasi it’s an opportunity na bihirang mangyari.
“So ngayon sa edad niya, magandang ma-experience niya na makatrabaho… si Direk Gina po, nakatrabaho niya si Direk Gina as director sa Prima Donnas,” sabi pa ni direk Adolf tungkol kay Althea Ablan.
- Latest