AiAi, gustong i-try ang Hollywood!

Marami nang mga pulitiko ang nagdiriwang ngayon dahil sa pagkapanalo sa katatapos pa lamang na halalan. Hindi pa mang nasubukang sumabak sa pulitika ay marami na raw ang nag-alok kay AiAi delas Alas upang kumandidato sa pagka-alkade sa Calatagan, Batangas. “Na-offer-an ako, marami nang times. Kaya nag-aral ako sa UP ng public governance. Kinonsider ko, ama,” pagtatapat sa amin ni AiAi sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sumagi man sa isip na subukang pasukin ang mundo ng pulitika ay hindi naman natuloy ang binalak ng Comedy Queen noon. “Feeling ko hindi ko pa kaya ‘yung gano’ng kataas na posisyon. Siguro dapat bukod sa mag-aral muna ako, mababang posisyon muna. Saka tayo mag-mayora,” paliwanag ng aktres.
Ngayon ay wala nang balak na sumabak si AiAi sa pulitika. Para sa aktres ay sapat na ang lahat ng kanyang mga napagdaanan sa buhay. “Bukas ‘yung loob ko pero hindi na. Okay na ako, ayoko na. Bugbog na bugbog na ang puso ko, ayoko nang mabugbog pa,” natatawang pahayag niya.
Samantala, nangangarap si AiAi na makagawa ng proyekto sa Hollywood. Gusto umano itong mangyari ng aktres ngayong taon. “’Yan ang gagawin ko ngayon. ‘Yon talaga ang plano ko for this year until 2026. Gusto ko i-try sa Hollywood kasi wala namang mawawala. Mag-isa na lang ako, there’s no harm in trying,” pagbabahagi ng komedyana.
Kira, gustong maging tulad ni Anne
Sina Kira Balinger at Charlie Fleming ang pangalawang evictees ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. Ngayon ay nakagagawa nang muli ng proyekto si Kira. Nangangarap ang Kapamilya actress na magampanan ang isa sa mga pinaka-iconic na karakter ni Dyesebel na nilikha ni Mars Ravelo. “’Yung kay Ate Anne Curtis talaga. Actually, ever since I was young, gusto ko talaga maging mermaid. Kasi ang hilig ko sa beach, I love fish. I love going to aquariums. So, to follow in the footsteps of Anne Curtis that would be such a huge honor for me talaga. And ‘pag nagawa ko ‘yon, masasabi ko na talagang okay na ako,” nakangiting pahayag ni Kira.
Matatandaang si Gerald Anderson ang gumanap bilang si Fredo na katambal ni Anne Curtis bilang si Dyesebel sa telebisyon noong 2014. Wala pang maisip si Kira kung sino ang posible niyang makatambal sa kanyang dream project. “Ang hirap. I can’t give you a name right now. I have to think about that,” giit ng dalaga.
Samantala, isa rin si Jodi Sta. Maria sa mga aktres na talagang hinahangaan ni Kira. Huling nagkatrabaho ang dalawa sa seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin noong 2021. “Iba ang laban ni Ate Jodi doon. I want to be a kontrabida with depth like her. Actually, she’s not known to be a kontrabida but I look up to her do’n sa role niya. I want to be like that. She will act with her whole heart talaga. As in, there are times where nagugulat ako sa eksena na out of character ako. Because, ‘Oh my God! Is she serious?’ Grabe, I look up to her so much. I didn’t really get to talk with her kasi wala po kaming masyadong eksena together. Pero sobrang laki ng impact niya do’n sa show,” paglalahad ng aktres. — Reports from JCC
- Latest