John at Alynna, ‘di pa tapos ang kontrobersya kina Ate Guy at Hajji
Hinihintay pa rin kung magsasalita si John Rendez tungkol sa isyu niya sa mga anak ni Nora Aunor. Kapag humupa na ang kuwento sa mga eksenang nasaksihan namin sa burol hanggang sa paglibing kay Ate Guy, tingnan natin kung magsasalita pa si John.
Mukhang apektado pa rin kasi siya sa pagpanaw ng superstar at National Artist na naging malapit sa kanya sa loob ng mahigit 30 years.
Ang isa pang inaabangan ay kung kailan din magsasalita si Alynna Velasquez, ang partner ni Hajji Alejandro ng 27 years.
Hindi siya pinayagan na pumunta sa burol, kaya pinutakti siya ng mga tanong tungkol sa isyung ‘yan. Nabasa namin sa Facebook account ni Alynna na sinagot niya ang mga nagtatanong tungkol sa pag-ban sa kanya sa burol ni Hajji Alejandro.
Aniya, “I am sorry I can’t answer your questions right now. I want to respect the privacy of those who are not involved. But one day, I will…
“Thank you for your messages. I read them from Archive. All the love and beautiful messages make me smile despite the sadness and longing for the man I love.
“Thank you for giving us time to grieve. God bless us all with renewed strength…”
Puwedeng si Rachel Alejandro ang isa sa tinutukoy niyang kailangan niyang irespeto ang privacy ng mga hindi naman involved. Nakita kasi sa social media na nagpalitan sila ng mensahe ni Rachel.
Ini-repost ni Alynna ang tribute ni Rachel sa kanyang ama, at may mensahe siyang pagpapahayag ng pagmamahal sa mag-ama. Sinabi niyang “the best father and daughter team” at mami-miss daw niyang makitang nagpe-perform silang dalawa sa isang stage.
“Rachel, remember that your dad’s mighty proud of you. Always.
“He will always be there in your heart singing with you. Our ANGELito…(3 hearts emoji).”
Sinagot ito ni Rachel ng “Thank you for loving him.”
Kaya sino kaya ang nagbawal kay Alynna sa burol ni Hajji?
Samantala, may show pala si Alynna sa May 14 na I’m Feeling Sexy Tonight na gaganapin sa Viva Café.
Huwag sanang magamit ang isyung ito para ma-promote ang nalalapit niyang concert, ‘di ba?
Elizabeth, nagulat na hinintay pang mamatay si Ate Guy bago panoorin ang pelikula
Ilan sa mga taga-showbiz ay tila tulala at parang hindi pa tanggap ang sunud-sunod na pagpanaw ng mga itinuturing na icons sa entertainment industry.
Nakatsikahan namin si Jomari Yllana kahapon na tumutulong sa pangangampanya sa asawa niyang si Abby Viduya na tumatakbong konsehal ng 1st district ng Parañaque.
Naging abala raw siya sa pag-iikot, kaya parang hindi pa raw niya tanggap ang pagpanaw nina Pilita Corrales, Nora Aunor at ang huli si Hajji Alejandro. “In denial pa ako,” pakli ng actor/politician.
“Mag-sink in sa akin ‘yan later on.
“Alam ko, isa-isa sila. I remember Pilita being the sweetest diva. The sweetest… pinaka-sweet, pinakamabait.
“Ate Guy is Ate Guy. I never worked with her, pero ‘yung influence, at saka ‘yung mark na iniwan. And ‘yung standard na iniwan sa industriya na kahit hindi ko siya nakakatrabaho… lahat nang ginawa niya, ‘yung contribution niya sa atin.
“Si Hajji…I mean, when you combine all of them, these are our favorite songs, these are our favorite albums, ‘di ba?
“Hindi lang isang kanta, ang lalim. So probably, they’re preparing for concert… big production na i-produce ni Mother (Lily Monteverde). Baka pinatawag para kay Santo Papa.
“Andun pa ako sa parang limbo pa, hindi ko pa siya tanggap,” pahayag ni Jomari.
Napag-usapan din namin ito ni Elizabeth Oropesa sa nakaraang celebrity premiere ng pelikulang Fatherland ng Bentria Productions.
Parehong Bicolana sina La Oro at Ate Guy kaya magkaibigan sila. Pero hindi rin pala sila nagkasama sa isang movie project.
“Marami kaming moments. Maraming personal moments na hindi puwedeng ikuwento. Patay na ‘yung tao. Hindi ko puwedeng i-divulge ‘yun. Sa amin na lang ni Guy,” napangiting sagot sa amin ni Elizabeth Oropesa.
Hindi na raw siya pumunta sa burol, dahil naniniwala siyang wala naman daw doon si Ate Guy.
“I rarely go to wakes. The time that I found that she died, automatic ‘yun ipinagdasal ko na agad… alam ko naman na diretso na siya dun,” turo ni La Oro sa itaas.
Nakakalungkot lang daw na muli tayong nagkainteres ngayon sa mga pelikula ni Ate Guy, sa pelikulang Pilipino, ngayong patay na ang Superstar.
“Ang masakit dun, hinintay pang mamatay para suportahan. Diretso akong nagsasalita ano? Nora Aunor ‘yan, nahirapan siya. Wala na halos nanonood… merong fans, hindi nawawala ‘yung fans. Pero ‘yung manonood talaga kulang na.
“Hinintay pa nating mamatay para muling mabuhay ang ganyang klaseng superstar at pagtanaw at pag-idolize sa isang artista ‘di ba?
“Pero naibigay naman niya lahat ang kailangan niyang ibigay sa atin. Inabot niya ‘yung taon ng 71 years old. Okay na ‘yun. Ang dami na niyang binigay sa atin para makapagpahinga na.
“Ang dami nang dinanas na paghihirap ng tao,” malungkot na pahayag ni Elizabeth Oropesa.
- Latest