Maymay, palalawakin ang career sa international scene

Mula sa pagiging big winner ng PBB hanggang sa pagiging aktor, naging susi sa tagumpay ni Maymay Entrata ang kanyang unique na charisma at ang kanyang pagiging totoo.
At sa pagbabalik-tanaw niya sa kanyang karanasan sa loob ng Bahay ni Kuya, ibinahagi niya ang kanyang opinyon tungkol sa kasalukuyang PBB Collab Edition: “Sino ba naman po tayo para hindi bigyan ng chance ‘yung mga taong nagkakasala, eh tayo, hindi rin tayo perpekto. Sa madaling salita, sana instead of pulling people down, why not just help each other up to be better?”
Bukod sa akting at hosting, pinasok rin ni Maymay ang larangan ng musika. Nakatanggap ng magagandang reviews ang kanyang debut single na Toinks hanggang mas lalo pang nakilala si Maymay bilang si Amakabogera herself na kaparehong titulo ng kanyang hit song.
Isa marahil sa highlight ng karera ni Maymay, napili siyang kumanta ng Filipino version ng iconic na Snow White theme song na Nasaan ang Hiling?
“Una, nung sinabi sa ‘kin, talagang hindi ako makapaniwala. Hindi nagsi-sink in sa’kin. Tapos pangalawa, sabi ko, ‘Magiging princess ako?!’ And knowing Disney, alam natin lahat ‘yan—lahat ng mga Disney princesses, very timeless ‘yung story nila. And for me to be a part of it… talagang dream come true talaga sa ‘kin,” sabi pa ni Maymay.
Anyway, kahapon nga ay trending si Maymay dahil sa Netflix mini-series na Happy Crush sa direksyon ni Carlo Catu kung saan ay katambal niya si Kelvin Miranda, habang malapit nang lumabas ang bagong album niya na pinamagatang Reborn. Kabilang dito ang pinakabagong single na Paradise, pati na ang isang kantang isinulat niya habang nasa music camp. Ang album, na isang kolaborasyon kasama ang mga songwriter mula sa US, ay simula ng kanyang mga plano na palawakin ang kanyang music career sa international scene.
“‘Yung Reborn hindi lang siya title – parang ‘remember me’ ba doon sa darkest moments na pinagdaanan ko, na kaya ko pa rin pala bumangon despite all of that, kaya ko pa rin pala mabuo ulit ‘yung sarili ko,” dagdag pa ni Maymay.
Patuloy ang journey niya bilang artist, at sa kanyang talento, puso, at determinasyon, pinapatunayan niyang marami pa siyang kayang ipakita sa mga manonood.
Ang binanggit niyang pinagdaraanan ay ang ibinahagi niya na sabay na may hinaharap na medical condition ang kaniyang nanay at lola.
Bahagi niya: “Andito ako sa point na hangga’t may oras ako na makapiling ko ‘yung dalawang nanay ko, gagawin ko – palipad-lipad man ako sa Cagayan de Oro o Japan, paulit-ulit gagawin ko po. Sobrang mahal na mahal ko po sila,” pagkukuwento pa ni Maymay sa Star Magic Spotlight press conference kung saan pinag-usapan ang kanyang personal life at journey sa industriya.
- Latest