Mga naiwang ari-arian ni Nora, may problema ang mga titulo

Inihatid na sa Libingan ng mga Bayani kahapon, pero nag-iwan pa rin ng maraming kuwento at isyu ang pagpanaw ni Nora Aunor.
Hindi lang natin maidetalye kung anu-anong mga problema, pero may ilang maingay at patuloy pa ring nagkukuwento tungkol sa bayarin sa hospital.
Pero sa isang interview kay PCSO Director Imelda Papin, na-claim niyang ang PCSO raw ang nagbayad ng hospital bill ni Ate Guy.
Meron daw kasing ilang pulitiko at negosyante ang nagbigay ng tulong bilang pambayad sa hospital. Pero, ‘yun ay mga kuwento at usap-usapan na lamang.
May ilang kaibigang may ginintuang puso na gustong tumulong dahil sa pagkakaalam namin, marami pang mga bayarin.
Bukas naman sa lahat ang kuwento ng buhay ni Nora Aunor. Pero sa totoo lang, patuloy pa rin ang pagbigay niya ng tulong basta meron siya. Hindi mahalaga sa kanya ang pera.
Sabi nga ni Direk Joel Lamangan sa kanyang eulogy para sa namayapang aktres, “Si Ate Guy naman ay hindi perpekto. Siya ay tao, siya ang human being.
“Pero ‘pag nilapitan si Ate Guy ng isang taong nangangailangan, napakalaki ng puso niya.
“Si Ate Guy, hindi siya yumaman nang ganun kayaman, dahil ang pera sa kanya ay hindi niya dino-Diyos ang pera.”
Ang daming kuwento ni direk Joel kung sinu-sino ang tinulungan ni Ate Guy, at totoo naman ‘yan, dahil naranasan namin ‘yan noong panahon ng pandemya na talagang nag-effort siyang magbigay ng ayuda sa ilang entertainment press.
Kaya marami ang nagtatanong kung may naiwan pa bang ipapamana si Ate Guy sa kanyang mga anak?
Curious ang karamihan sa sinasabing last will and testament na iniwan daw nito.
Sa aming pagkakaalam ay marami pang lupain ang Superstar sa Bicol at ‘yun ang inaasikaso niya nung mga nakaraang taon, dahil nagkakasuhan pa sila rito. May problema raw siya roon, dahil ang iba ay tila niloko na siya.
Isa iyan sa ibinahaging kuwento sa amin ni Esperanza Fabon, ang dating kasabayan at kaibigan ng Superstar.
Matagal na naming nabalitaang naging judge sa Pasig Municipal Trial Court si Esperanza Fabon-Victorino. Nung makapanayam namin sa burol, justice na pala siya sa Court of Tax Appeals.
Taong 2019 daw ay nagkita sila ni Ate Guy dahil humingi raw ito ng tulong sa kanya tungkol sa problema niya sa properties niya sa Iriga City.
Aniya, “Meron siyang problema sa kanyang mga properties sa probinsya. Tapos, sabi ko sa kanya, matagal din kaming nag-usap. Marami siyang documents na dala e. Sabi ko, ‘Guy, hindi ko mababasa ngayon ‘yung mga document na ‘yan kasi ang dami. Sabi niya, ‘ikukuwento ko na lang. E di kinuwento na niya. Sabi ko, ‘you know, baka magkamali akong advice, because ‘yung sasabihin ko sa ‘yo, would depend on what you told me.
“Anyway, sabi ko, ‘siguro puwede tayong humingi ng tulong sa PAO. But you see sabi ko, maraming magagaling na lawyers dun sa PAO, kaya lang marami silang cases.”
Naawa kami lalo kay Ate Guy sa dagdag na kuwento ni Justice Victorino. “But I think… may problema rin kasi doon sa mga title niya na iniwan niya sa St. Luke’s para malabas ‘yung brother niya.
“Sabi ko sa kanya, ‘parang mali ‘yun e. That’s against the law. But, hindi ko alam ‘yung circumstances. ‘Yung sinabi mo sa akin, ‘yun lang sabihin ko sa ‘yo. Medyo naano ako sa kanya, kasi wala na siyang pupuntahan e.
“Pushed against the wall daw siya. Sabi niya, ayaw daw ibigay ‘yung title. Sabi ko ‘mali ‘yun e.’ Pero subukan mo ulit pumunta.
“After that, hindi na kami nagkita,” patuloy na kuwento ng dating singer/actress.
May iba pang mga naglalabasang kuwento. Pero kahit ano man ‘yan, lalo siyang minahal ng sambayanan, patuloy na pinagpupugay sa mga na-achieve niya na hindi pa nangyari sa mga artista ng pelikulang Pilipino.
Ang isa pang isyung tiyak na pag-uusapan ay si John Rendez na dumalo sa libing kay Ate Guy.
Simpleng puting polo shirt lang ang suot niya na sumunod sa Metropolitan Theater para daluhan ang state’s necrological service na ibinigay sa namayapang aktres.
Nasa bandang likuran lang daw ito nakaupo at sumunod din siya sa Libingan ng mga Bayani.
Habang nandun pa ang mga anak ni Ate Guy, nasa bandang likuran lang si John at nakisalamuha sa fans. Pagkaalis daw ng mga anak ni Ate Guy saka lumapit si John sa libingan at humagulgol na raw ng iyak.
Marami raw ang naawa sa kanya, dahil alam naman ng lahat kung gaano siya kamahal ni Ate Guy.
- Latest