Cristine, nagsisi na wala sa tabi sa huling hininga ng ‘ama’

Nagluluksa si Cristine Reyes sa pagpanaw ng ‘ama’ kahapon, Demetrio Pascual.
Ibinalita niya ito sa pamamagitan ng isang reel video.
Ipinakita ni Cristine sa nasabing video ang dati nilang bahay at ang kanyang ‘daddy’ nung buhay pa at may karamdaman na.
Aniya sa post na kalakip ang nasabing video : “Itong video na ito ang huling alaala na itatabi ko. Ang ating huling salo-salo sa ating munting tahanan na punong-puno ng masasayang alaala. Ang iyong huling ngiti at halakhak dito ang palagi kong aalalahanin, daddy.”
Pero nagsisisi siya na hindi niya ito nakapiling nang malagutan ng hininga. “Sorry kung hindi ko na kinaya makita ka sa ospital. Pinagsisisihan ko na hindi kita nahagkan sa iyong huling hininga.
“Luhaan man kami ngayon, alam namin na payapa ka na. Hindi ka namin makakalimutan, daddy. Kulang ang salitang “salamat,” Dy.”
Wala naman daw katapat na halaga ang ibinigay na pagmamahal sa kanila ng ama.
“Bagkos ako’y lubos at taos-pusong nagpa-pasalamat sa pag-busog mo sa akin, sa amin ng pagmamahal, pag-gabay at pag-aruga. Napaka-swerte namin lahat sa’yo sa lahat ng binigay mo na walang katumbas na halaga.
“Ikaw ang tunay naming kayamanan.
“Rest in peace, Daddy Metreng. Daddy Yow. Lolo Dad.”
Abala si Cristine sa kampanya dahil sa karelasyong si Marco Gumabao na kumakandidato sa Bicol. Ikinakampanya niya rin si Sen. Imee Marcos na kandidato ulit sa pagka-senador.
- Latest