Hearing ni Duterte, umaagaw ng eksena sa mga Tv show
Tumama sa oras ng radio program namin sa DZRH ang coverage ng first appearance ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands.
Mahigit 30 minutes din itong napanood sa website ng ICC, at first time na nakita ang dating pangulo via video link pagkatapos ibiyahe.
Hindi siya personal na dinala roon sa korte dahil sa kanyang kalagayan na hirap pa nga siyang tumayo.
Samu’t-sari ang mga reaksyon ng taumbayan na tumutok sa live coverage ng pre-trial kay FPRRD.
Ang init ng balitaktakan sa social media ng mga maka-Duterte at Anti-Duterte.
Patuloy itong tinutukan kaya ang taas ng viewership ngayon sa mga news program sa telebisyon.
Nakikita nga naming nadadala ng mga news program ang mga primetime series dahil talagang nakatutok ang sambayanan sa kalagayan ng dating Pangulong Duterte.
Noong Huwebes na mainit na sinubaybayan si Duterte, naka-13.6 percent ang 24 Oras.
Sumunod na ang mga primetime series na kung saan medyo tumaas ang rating ng Lolong na naka-9.1 percent, at 16 percent ang Ang Batang Quiapo.
Sumunod ang Mga Batang Riles na naka-8.4 percent at 10.2 percent ang Incognito.
Pinaka-winner din ang My Ilonggo Girl dahil lalo pa itong tumataas na naka-8.3 percent at ang Saving Grace ay 4.5 percent.
Posibleng nadala nga ito ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab na naka-4.7 percent.
Ang dami na kasi talagang sumusubaybay sa PBB at kinagigiliwan na nila ang mga paborito nilang housemates.
Noong Biyernes ay sinelebreyt nila ang birthday ng Kapuso na si Josh Ford na personal na inasikaso ng Kapamilya na sina Ivana Alawi at Kira Balinger ang pa-surprise na handaan.
Ang saya nilang lahat at hindi napigilang maging emotional ni Josh dahil naalala nito ang mga pinagdaanan niya, lalo na ‘yung nalagpasan din niya ang malagim na aksidenteng hinarap nilang magkaibigan noong 2023.
Pagkatapos ng masayang selebrasyon, napalitan ito ng iyakan nang magpaalam na si Mavy Legaspi sa kanilang lahat.
Ang kasintahang si Ashley Ortega ang sobrang apektado, pero inaasahan naman nilang mga housemate na mangyayari ‘yun.
Fans ni Heaven, kulang sa suporta; sinagtala, ginalaw ng production?!
Mahina pa rin ang mga pelikulang ipinalabas nitong mga nagdaang araw.
Nag-showing na two weeks ago ang In Thy Name na pinromote rin naman, pero mahina raw talaga ito sa takilya. Ayaw na ngang ibigay ng aming source ang figures kung nakamagkano ito.
Last Wednesday naman nag-showing ang horror film ng Viva na Lilim at ayon sa aming reliable source, halos naka-P800M daw ito sa first day of showing.
Ewan ko lang kung tumaas pa ito nitong weekend dahil maganda naman daw ang pelikula.
Pero dapat todo support dito ang fans ni Heaven Peralejo. Wala lang kaming balita kung may mga pa-block screening para sa naturang pelikula.
Kaya nga masaya ang DenJen team nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado dahil may mga block screening pa rin sa pelikula nilang Everything About My Wife.
Dinagsa ng mga Kapampangan fans ang block screening na ini-sponsor ng Beautederm CEO Ms. Rhea Anicoche-Tan na ginanap sa SM City Telebastagan, Pampanga noong March 6.
“I’ve been part of Beautederm for over three years, and ever since, napakabait talaga ni Miss Rhea.
“Napaka-supportive niya at super thankful kami for the support she’s given us para sa movie namin,” sabi ni Sam Milby na dumalo rin sa naturang block screening.
“Basta proud ako sa mga Beautederm babies ko,” bulalas ni Ms. Rhea Tan.
Ini-endorse ni Jennylyn ang Beautederm’s Cristaux, at si Sam naman sa Slender Sips Coffee.
Si Dennis Trillo naman ay malapit na ring ilunsad bilang Belle Dolls ambassador.
Si Cong. Sam Verzosa naman ay nangakong magpa-block screening nang bonggang-bongga sa mga sinehan sa Maynila para sa pelikulang Sinagtala nina Rhian Ramos, Glaiza de Castro, Rayver Cruz, Arci Muñoz at Matt Lozano na magso-showing na sa April 2.
Pero abangan natin ang susunod na pelikulang ipalalabas, dahil ang taas ng expectations dito.
Pero totoo kaya na nadismaya ang direktor ng pelikulang ito dahil sa pinakialaman daw ito ng taga-production?
Okay lang kung pinakialaman, basta maganda ang kalalabasan. Pero ang komento raw ng mga nakapanood, hindi raw napaarte nang mabuti ang mga bidang artista sa pelikulang ito.
Magagaling pa naman ang mga artistang ito, pero hindi raw napiga nang mabuti.
Abangan natin ‘yan!
- Latest