Dennis, sa video game kinukumpara ang pagiging mag-asawa nila ni Jennylyn

Unang naging opisyal na magkasintahan sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo noong 2010. Umabot lamang ng labing-isang buwan ang relasyon ng dalawa noon at nagkahiwalay. “Pareho kaming hindi ready no’ng time na’yon. Pareho kaming immature sa pag-iisip, sa pagha-handle ng relasyon,” paliwanag sa amin ni Dennis sa Fast Talk with Boy Abunda.
“Kasi no’ng time na ‘yon palagi kaming nag-aaway. Ang daming mga issues na hindi namin ma-resolve. Siguro nangyari din ‘yon para magkaroon kami ng time at space. Marami rin kaming natutunan no’ng time na hindi kami magkasama,” dagdag naman ni Jennylyn.
Taong 2014 nang magkabalikan ang dalawa. Nakaramdam ng kaba si Jennylyn nang muling magparamdam sa kanya ang aktor noon. “May nag-message sa akin, ‘Kamusta ka?’ Binura ko ‘yung number niya. Talagang isinara ko, inalis ko talaga siya sa buhay ko. Hindi ko siya pina-follow sa social media. Tapos sabi ko, Sino ‘to? Tapos sabi niya, Si Dennis ‘to.Tapos no’ng time na ‘yon sabi ko pa sa kanya, Weeh? Talaga ba? Akala ko may nagti-trip lang sa akin na mga friends ko. Tapos maya-maya, may tumatawag, kinakabahan ako. Pagsagot ko, narinig ko kaagad ‘yung boses niya. Siya nga talaga, hindi ako makapagsalita. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Iba ‘yung kaba, ‘yung positive na kaba, na may kilig,” nakangiting kwento ni Jennylyn.
“Nasa London ako no’n kasama ko si Tom Rodriguez, may show kami do’n para sa Pinoy TV. No’ng time no’n sa London, malamig. Mahalaga po ‘yung pakiramdam na na-miss ko siya. Marami akong realizations na hindi ko mararamdaman sa ibang tao ‘yung naramdaman ko sa kanya. No’ng panahon na magkahiwalay kami, napakalungkot ko. Kaya ako ‘yung nag-reach out and nag-effort para maramdaman ulit ‘yung feeling na ‘yon,” pagtatapat naman ni Dennis.
Nagpakasal sina Jennylyn at Dennis noong 2021. Isang pangyayari sa kanilang espesyal na araw ang talagang hindi makalilimutan ng mag-asawa. “Noong time na ‘yung wedding namin, naiwan niya ‘yung singsing. So buwisit na buwisit ako. Siyempre ‘yung hormones ng pregnant woman, talagang galit ako. Sinabihan ko siya na sobrang specific ng instruction ko. Kunin mo ‘yung ring, nandito sa bag ko, ito ‘yung color ng box,” pagbabalik-tanaw ni Jennylyn.
Ayon kay Dennis ay malapit lamang ang kanilang bahay mula sa simbahan kaya agad na ipinakuha sa driver ang kanilang weddding ring. “Mga five minutes away. Dalawa po ‘yung box, ‘yung isa walang laman. ‘Yun ‘yung nakuha ko, ‘yun ‘yung nadampot ko. Pero ang totoo, Tito Boy, may singsing man o wala, kaya pa rin. Kahit na alambre lang ‘yan na mapulot mo kung saan, simbolo lang ‘yan ng pagmamahal na ibibigay ko sa kanya. At least unforgettable ‘yung experience. Hindi ‘yung pangkaraniwang (kasal) na perfect,” natatawang kwento naman ni Dennis.
Sa mahigit isang dekadang pagsasama ay marami na ring pagsubok na nalampasan ang dalawa. Mayroong sikreto ang mag-asawa upang mapanatiling maayos at masaya ang kanilang relasyon. “Ini-enjoy pa rin namin ‘yung journey. Pwede ko siyang i-compare sa isang video game na maraming stages, pero nakakatuwa na bawat stage na matatapos mo. Inaabangan mo ‘yung ano pa mga next stages na matatapos and iba pang mga pangarap mo nagusto mong mangyari. Kailangan may lambing palagi. Hindi po pwedeng mawala ‘yon. Kasi meron akong kilala na ibang mga mag-asawa, napapansin ko kapag magkausap sa telepono parang galit sila. Kailangan hindi nawawala ‘yung lambing, ‘yung pagka-sweet mo sa maliliit na gestures na pwedeng magpangiti sa asawa mo,” pagbabahagi ni Dennis.
“Hindi namin kinakalimutan ang bawat isa. Magpapakilig pa rin ‘yung isa’t isa. Importante na inaalagaan ko pa rin siya, bukod sa inaalagaan ko ‘yung buong pamilya. Oras para sa kanya, para sa aming dalawa,” pagtatapos ni Jennylyn.
Simula Feb. 26 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Everything About My Wife na pinagbibidahan nina Jennylyn, Dennis at Sam Milby. — Reports from JCC
- Latest