Alex Calleja, napakinabangan ang AlDub!

Trending ngayong 2025 ang komedyanteng si Alex Calleja dahil meron siyang stand-up comedy special na ipinalalabas na sa simula noong Feb. 7, ang Tamang Panahon, at may world tour pa kasama ang grupo niyang The Comedy Crew simula Feb. 16.
Naglalaro sa Number 1 and 2 ang Tamang Panahon sa Top 10 TV shows in the Philippines today.
Na para sa kanya ay ito talaga ang tamang panahon sa punto ng career niya. Kasi, tingin niya, mas meron na siyang influence ngayon, puhunan at kilalang mga kaibigan para tuparin ito.
Dagdag pa niya, tamang panahon na ipinalalabas ito sa isang higante’t global streaming platform tulad ng Netflix para mas lumawak ang reach ng Pinoy stand-up comedy.
Pagbabalik-tanaw ni Alex, noong 2007 na nagsisimula siya bilang stand-up comic, “halos walang tao sa mga open mics namin noon. Minsan ‘yung madadatnan mo nagmi-meeting pa.”
Ang isa pa umanong rason kung bakit pinili niya ang titulong Tamang Panahon ay dahil sa AlDub (ang sikat na tambalan nina Alden Richard at Maine Mendoza), sa Eat Bulaga.
“Ang isa rin sa mga dahilan kung bakit tamang panahon, I was a writer of Showtime at isa sa mga nagpahirap sa akin sa Showtime nu’ng 2015, eh, ’yung pagpasok ng AlDub. Taong 2015 po ‘yun. July po, tandang-tanda ko. July nagkatinginan si Maine saka si Alden. Pagtinginan nila, susmaryosep, kagagawa lang namin ng Funny One nu’n. ‘Yung Funny One po, ‘yun po sana ‘yung way para makilala ang mga stand-up comedian. Ang nanalo po du’n kasama namin sa grupo.
“Ilang linggo lang nagkatinginan si Maine at Alden, hindi na po kami naka-recover du’n. Hindi sila nagsasalita. Oo, pinagsama-sama namin si KathNiel (Kathryn Bernardo and Daniel Padilla), LizQuen (Liza Soberano and Enrique Gil), saka si JaDine (James Reid and Nadine Lustre). Ten percent po kami sa Araneta, 30 percent po ‘yung Eat Bulaga nu’n. Nakaraos lang kami nu’ng January nu’ng pinasok namin ‘yung ‘Tawag ng Tanghalan’ at ‘Trabahula.’
“So ngayon naman para mapakinabangan ko naman ‘yang ‘Tamang Panahon’ na ‘yan, ‘yan po ang ginamit ko. And, of course, isa rin sa mga goal ko para sana maging successful ito is to open again doors for my fellow comedians, our Comedy Crew. Nakita n’yo naman sila, sinampol nila ‘yung maikli para makilala n’yo. Kasama ko naman sila sa Feb.16 sa Singapore. Ang goal ko talaga is magdala ng mga stand-up comedians sa iba’t ibang bansa. Nagsimula ‘yan last year,” mahaba pang paliwanag ni Alex sa pamagat ng stand-up comedy special na super trending pa rin habang sinusulat ko ito.
Presented in Tagalog, ang Tamang Panahon na target ang mga Pinoy at sa abroad.
Samantala, ang kanyang world tour kasama ang The Comedy Crew ay magsisimula sa Singapore sa Feb. 16, susundan ng USA mula April 4 to 13; Canada, May 23 to June 8: UAE, Australia at New Zealand (dates to be announced).
- Latest