Nahirapan sa dinanas kay Rob Gomez...Herlene, nagpadoktor

Mahirap din pala ang pinagdaanan ni Herlene Budol pagkatapos niyang gawin ang Magandang Dilag na kung saan ay nasangkot siya sa kontrobersya nila noon ng leading man niyang si Rob Gomez.
Ibinunyag ni Herlene sa media conference ng Binibining Marikit kahapon na nagkaroon siya ng ilang session sa Psychitarist nang nahirapan daw siyang i-handle yung isyung pinagdaanan niya noon. “Nagpa-doktor po ako para po ma-process po siya nang maayos sa akin. Kung bakit may mga ganung klase ng tao na talagang hilahin ka pababa kapag alam nilang itinataas ka ng Panginoon,” saad ni Herlene.
Naging mahirap daw sa kanya ang pinagdaanan na tanggapin ang mga bintang at mga akusasyong ibinabato sa kanya. “Nagpa-help po ako sa doktor para matanggap ko ‘yung mga sinasabi sa akin ng mga tao. Kasi para ma-overcome ko po lahat. Mabigat po e na paratang sa akin. Kaya parang mahirap po yung naging sitwasyon ko at mahirap po mag-move on sa ganung sitwasyon na alam ng Panginoon kung ano yung tama at mali,” dagdag niyang pahayag.
Ngayon ay nakapag-move on na raw siya. Pero ang hirit ng komedyante; “Ang tanong naka-move on na ba ang mga tao?” sabi pa ni Herlene.
Ngayon ba sa Binibining Marikit ay matitiyak ba niyang hindi uli ito mangyayari sa kanya? “Wala na pong kainan na magaganap,” nakakalokang hirit ni Herlene.
“Kasi po, parang iyun naman ang pinupunta natin dito, bakit pa natin sabihin!” hirit pa niya.
“Kasi hindi mo talaga maiwasang ma-in love talaga sa ka-partner. Kaya hindi po talaga ako makapagsalita nang tapos. So ayoko pong maulit ‘yung trauma na ibinigay sa akin nung last na co-actor ko na parang ang bigat na hindi ako naipagtanggol na walang boses na magsalita. Pero dito po sa kanilang dalawa na with or without issue ay maipagtanggol nila ako,” sabi pa ni Herlene Budol na ang tinutukoy ay ang kanyang dalawang leading man sa palabas na sina Tony Labrusca at John Feir.
Sa February 10 na magsisimula ang Binibining Marikit sa afternoon drama ng GMA 7.
Kaso ni Rita ‘di pa umuusad; Sandro nagtatrabaho na ulit
Nagpasalamat si Niño Muhlach na back to work na si Sandro Muhlach. “Actually, nagte-taping na siya ulit. Tadhana, sa GMA,” balita ni Onin sa amin nang mag-lunch break sila sa motorcade ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis noong nakaraang Sabado.
Malaking leksyon ang natutunan ni Sandro sa karanasang inabot niya pati na rin kina Niño at marami rin silang natutunan at napagtanto. “Kay Sandro? Hindi ko lang akalain kasi na mangyayari sa amin. Kasi nga, siyempre yung pamilya namin, kumbaga matagal nang nasa industriya. Kaya hindi ko talaga ine-expect na puwedeng gawin sa anak ko.”
Ang isa lang sa magandang nangyari ani Niño, naging buo ang pamilya na all-out ang suporta sa kanila. “Full support naman sila like di ba, noong nasa Senate kami, nandun lahat. Sina Charlene, Albert,” pakli niya.
Lalo ring naging close pa ang magkapatid na Sandro at Alonzo na siyang unang kinuwentuhan pala ng kanyang anak. Pero feeling daw niya hindi raw ito mangyayari kay Alonzo kung sino mang magtangkang magsamantala sa kanya. “Kasi si Alonzo kumbaga, para siyang ako. Si Sandro kasi, very meek, parang naive. Pero si Alonzo, sigurado gagawa ng eksena. Papalag yon!
“Pero alam mo, ang feeling ko lang, siguro kailangan kay Sandro mangyari. Para matigil na! Kasi kung hindi, baka kung sa baguhan na naman nangyari, baka wala na namang nagreklamo. Tuluy-tuloy pa rin!”
Suportado ni Niño ang pagsali ni Sandro sa Courage Movement na binuo ni Gerald Santos. Natawa lang siya nung nag-concert na tinawag na Sandro Marcos ang kanyang anak. Akala raw niya joke iyun ni Gerald, o baka nataranta lang nang inilunsad ito sa concert.
Ang latest ngayon sa kasong isinampa ni Sandro, hindi pa rin pala natuloy ang arraignment dahil sa Motion to Quash na isinumite ng kampo ng dalawang independent contractors.
Hindi pa rin nagsumite ng comment ang kampo ni Sandro, kaya hindi pa rin pala umuusad ang pagdinig ng kaso.
Siyanga pala, pati ‘yung reklamong isinampa ni Rita Daniela laban kay Archie Alemania ay wala pa ring ibinabang resolution. Ngayong linggo ay ipa-follow na raw ng kampo ni Rita kung kailan ibababa ang resolution kung may probable cause ba na magiging kaso para iakyat sa korte.
- Latest