Kampo ni Sandro, pumalag sa mga nilalabas ng akusado
Nasa Department of Justice na ang kasong Rape Through Sexual Assault na isinampa ni Sandro Muhlach kina Jojo Nones at Richard Cruz, at hinihintay na lang ang resolution kung aakyat ito sa korte.
Ang GMA 7 pala ay tuloy pa rin ang imbestigasyon sa reklamong ito ni Sandro at bumuo sila ng committee. Nauna nilang inimbestigahan si Sandro, at nung kamakalawa lang ay ang dalawang independent contractors naman.
Ipinatawag daw nung Lunes si Richard Cruz at ang sumunod ay si Jojo.
Kung ano ang nasa affidavit na isinumite nila sa DOJ ay halos ganundin ang natalakay.
Pagkatapos ng imbestigasyon ay nagpadala ng official statement ang legal counsel ng dalawa na si Atty. Maggie Abraham-Garduque.
Aniya, “We further furnished GMA with a copy of the joint counter-affidavit we submitted to DOJ to show that Sandro has no evidence to prove his story worst his evidence is contrary to his story.”
Kagaya sa counter-affidavit na isinumite sa DOJ, inilahad doon na walang sapat na ebidensya si Sandro sa kanyang isinalaysay. Nag-negative naman daw sa drug test, at base sa call log nito sa kaibigan at girlfriend, hindi man lang daw ito humingi ng tulong kung talagang na-rape siya ng dalawa.
Dagdag pang pahayag sa ipinadalang statement ni Atty. Maggie, “Jojo and Richard also warned the committee not to tolerate this act of Sandro, otherwise this will serve as a precedent to other artists/talents who can just concoct a story against any production staff for publicity o para matanggal sila sa trabaho kapag di napagbigyan ang gusto.”
Naintriga kami sa sinabing “napagbigyan ang gusto” na sinabi sa statement.
Kaya tinanong namin kung ano ito. Inilahad naman daw ‘yun lahat sa imbestigasyon.
Samantala, naglabas din ng statement ang legal counsel ni Sandro Muhlach na si Atty. Czarina Quintanilla-Raz.
Kinondena nila ang pagpadala ng statement at pagpapalabas daw ng mga ebidensya sa media ni Atty. Garduque.
Ang sabi ng legal counsel ni Sandro, nagpapadala raw ng misleading at self-serving statements si Atty. Maggie sa media kaugnay sa pagsumite nila ng counter-affidavit sa DOJ.
Apo ni Mother Lily, itutuloy na ang Regal
Sa darating na Sabado ay parang relaunching na ng Regal Entertainment na hina-handle na rin ng apo ni Mother Lily Monteverde na si Atty. Keith Monteverde.
Iniwan ni Keith ang pagiging licensed lawyer sa California, USA upang pamahalaan ang Regal Entertainment dito sa Pilipinas.
“Regal will still continue to make movies, try to make audience feel emotions whether it’s laughter, tears, or especially, our specialty, horror.
“I think you can expect more of those types of stories from us that people can relate to,” pakli ni Keith Monteverde.
Naikuwento rin nga sa amin ni direk Lino Cayetano ng Rein Entertainment na bahagi pa si Mother Lily sa nag-approve sa ipinitch nilang project na i-collaborate nila.
Kasama ang Regal sa ginagawang eco-horror movie ng Rein Entertainment, na pinamagatang Caretakers na sinulat at dinidirek ni Shugo Praico.
Bida sa pelikulang ito sina Iza Calzado at Dimples Romana.
Natuwa si direk Lino na hanggang sa mga huling sandali ni Mother Lily ay kasama pa rin siya sa pagpapatakbo ng Regal at nandiyan pa rin ang concern sa ating movie industry.
- Latest