Snooky at Alma, ginawang grocery noon ang bahay ni Mother Lily
Noong Linggo ay pumanaw na si Lily Yu Monteverde sa edad na 84 dahil sa cancer. Kalilibing pa lamang noong Sabado ang asawa ni Mother Lily na si Remy Monteverde na namatay naman noong July 29. Nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan ang Regal matriarch ngayong Aug. 10 sa Heritage Park sa Taguig.
Nagbahagi sina Alma Moreno at Snooky Serna ng kanilang mga hindi malilimutang karanasan noong nagsisimula pa lamang sa Regal Films na pag-aari ni Mother Lily. Sobrang pagmamahal umano ang naramdaman ng dalawang aktres mula sa Regal matriarch. “Nagbabantay siya sa set, na nanay na nanay. Kasi siyempre baby pa ako, ‘yung magsusuot ka ng medyo sexy. Binabantayan ka niya bilang nanay, siyempre nakaalalay siya. Mararamdaman mo sa kanya ‘yung pagmamahal niya sa artista niya,” kwento ni Alma sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
“Para siyang si mommy Mila (Ocampo). I really feel that she’s really my second mother. Looking back, parang nakaka-miss ‘yung gano’ng punchline ni Mother, ‘yung sense of humor niya, ‘yung kabaklaan ni Mother, and ‘yung warmth niya just the same. She’s really one of a kind. She knew what would work,” pahayag naman ni Snooky.
May mga pagkakataong pinagselosan pa umano ng mga sariling anak ni Mother Lily ang mga alagang artista noon. Madalas daw kasing pumupunta sa bahay ng pamilya Monteverde sina Alma at Snooky. “Lahat, Kuya Boy, sa bahay niya walang pakialam ‘yan. Pwede kami lahat gumalaw. ‘Anong pagkain mo?’ Alaga niya kami lahat. Sa bahay niya pwede mag-grocery. Saka si Mother Lily kapag galit, galit. Kapag natutuwa, natutuwa. Minsan kasi matigas din ang ulo ko ha-ha-ha! Kapag na-in love daw ako, bawal,” masayang pagbabalik-tanaw ni Alma.
“Meron sa Maynila, tapos kami nina Gabby (Concepcion), Maricel (Soriano), point-point (turo-turo) lang kami. ‘Point kayo kung anong gusto n’yo.’ Tapos kami naman point, point. Uuwi kami sa bahay Tito Boy, box, box, balikbayan boxes of goodies. That’s how generous she was,” kwento naman ni Snooky.
Sobrang ikinalungkot nina Alma at Snooky nang malamang mayroong sakit si Mother Lily noong isang taon. “Ako, Tito Boy, November last year. Nakakatuwa kasi her mind was very sharp. She was making fun of my dance moves always. Ginagaya pa niya, Tito Boy. Kaya talagang I never expected for this to happen. Kasi if you were to look at her from the outside, si Mother, she’s strong eh. So maybe she put up that front eh na, ‘I’m okay.’ Para hindi kami panghinaan ng loob. So she was talking to Dina (Bonnevie) and myself na casual lang. Though we noticed ‘yung voice niya nag-change,” paglalahad ni Snooky.
“Busy ako sa politics, no’ng nalaman kong may cancer siya, na-sad ako, ang inano (ginawa) ko na lang ay prayers para sa kanya. No’ng nalaman ko na may sakit siya, sabi ko, ‘Naku! Ang daming masasaktan nito. Ang daming artista nito.’ Sana nakita pa niya, matutulungan pa niya,” dagdag naman ni Alma.
Lubos ang pasasalamat ng dalawa na ilan sa mga pinakasikat na ‘Regal Babies’ noon kay Mother Lily. Malaki ang mga ipinagbago ng buhay nina Alma at Snooky dahil sa mga tulong na ipinagkaloob sa kanila ng Regal Matriarch.
“I know she’s still here with us, to say sorry also. Siyempre mayroon din akong mga times na pinagdaanan, medyo problematic. But Mother was always there to understand, to be by my side. There was a time na talagang sa sala siya natutulog just to make me feel that she’s supporting me. Just to snap me out of the depression. Very gracious siya in every way. She nurtured me. If it were not for Mother Lily na tulungan kami, hindi siguro magiging maayos ang mga buhay namin ngayon,” pagtatapos ni Snooky. (Reports from JCC)
- Latest