Blackpink World Tour, rated PG; ibang mga pelikula R-13 at R-16
Handa na ba ang Filipino fans at Blink community? Dahil maaari nang mapanood sa mga sinehan ang ginawang world tour ng sikat na Korean pop girl group na Blackpink.
Ito’y matapos mabigyan ng rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) - nina Board Member Antonio Reyes, Racquel Maria Cruz, at Lillian Ng Gui - ang film documentary na binuo mula sa mga konsyertong ginawa ng grupo sa iba’t ibang bansa.
Sa ilalim ng rated PG, maaaring makapanood ang mga edad labingtatlo (13) at pababa, ngunit kinakailangan na may kasamang magulang o nakatatanda na siyang gagabay sa kanila sa panonood.
Maging ang pelikulang Bluelock: Episode Nagi mula sa produksyon ng Pioneer Films ay nakakuha ng kaparehong marka, sa desisyon nina Board Members Gui, Reyes, at Robert “Bobby” Andrews, Jr.
Bukod dito, binigyan naman ng R-13 rating ang pelikulang Trap mula sa Warner Bros. (F.E.) Inc. na pinagbibidahan ni Josh Harnett. Sa desisyon nina JoAnn Bañaga, Angel Jamias, at Neal Del Rosario, sinabi nilang may ilang aspeto ang pelikula na hindi angkop sa mga edad labingdalawa (12) at pababa.
Maging ang lokal na produksyon mula sa Viva Communications, Inc. kung saan bida sina Sue Ramirez, Barbie Imperial, at Phi Palmos ay binigyan din ng kaparehong marka na R-13 rating.
Sa desisyong ito nina Board Members Richard John Reynoso, Jan Marini Alano, at Katrina Angela Ebarle, kung saan ipinaliwanag nila na ang pelikula ay nagpapakita ng paglalarawan sa droga o paggamit nito at iba pa hindi angkop na eksena para sa mga edad 12 pababa.
Habang ang pelikulang Consumed naman na gawa rin ng Pioneer Films, ay binigyan ng R-16 rating. Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 pataas. Sa desisyon ito nina BM Reynoso, Cruz, at Wilma Galvante na sinabing ang pelikula ay mayroong katatakutan at karahasan na hindi angkop sa mga batang edad labinglima (15) at pababa.
Pinapaalalahanan ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang mga magulang, na kinakailangan nilang gabayan ang kanilang mga anak na pasok sa age restriction ng isang pelikula, at maging mabuting halimbawa sa mga batang Pilipino.
- Latest