Angelica, ibibigay muna lahat ng oras sa partner at magiging anak

Gregg at Angelica.

Ang pagba-vlog ang isa sa pagkakaabalahan ni Angelica Panganiban habang hinihintay ang panganganak niya.

May binuo na sila ng partner niyang Gregg Homan ng YouTube channel, at interesting naman ang una nilang vlog na kung saan ikinuwento nila kung paano sila nagka­kilala, nagkadebelopan hanggang sa nalaman nilang buntis siya.

Ang cool ni Gregg at parang hindi pa sanay sa showbiz. Pero kering-keri naman ni Angelica at nai-enjoy niya ang bagong buhay niya bilang partner ni Gregg, at hopefully, magiging asawa na, at ang panibagong challenge sa kanya bilang isang nanay.

Kaya nga sinasabi ni Angelica na dito na raw muna siya magfu-focus, sa pagpapalaki sa kanilang magiging baby, at pagiging katuwang ni Gregg.

Matagal na rin naman daw niyang ibinuhos ang sarili sa trabaho, at panahon na rin daw na harapin na niya ang binubuo niyang pamilya.

“Parang… 30 years na rin naman ako sa industriya, parang ang dami ko nang naiambag.

Advertising
Scroll to continue

“Siguro ngayon na hinihingi na nung life ‘yung pag-focus naman ako sa aking family, dahil sobrang blessed ko na magkaroon naman ako ng tinatawag na pamilya ngayon. Gusto ko dun ako mag-focus. Gusto kong ibigay ang lahat ng oras ko dun.

“Kasi si Gregg din babalik ng work. Ako, parang tututukan ko muna ‘yung baby. Pero ‘pag parang kaya ko na, hindi lang ang bata… kapag kaya ko nang iwan siya, ‘yun siguro, babalik na ako ng work,” saad ni Angelica sa kanilang vlog na The Homans.

Binanggit na rin ng mag-partner kung sino ang mga nasa isip nilang kukuning ninong at ninang ng kanilang magiging baby.

Nandiyan ang ilang non-showbiz friends ni Gregg, at binanggit na rin ni Angelica ang mga kaibigan niya sa showbiz. “Isa na dun siyempre ang mga matatalik naming kaibigan. Nandiyan si Glaiza (de Castro), si Ketchup Eusebio, si John Prats,” pakli ni Angelica.

Maaaring sa susunod nilang vlog ay gender reveal na ng kanilang magiging baby.

Kinumpirma ni Joey… Winwyn, engaged na sa childhood sweetheart

Kinumpirma sa amin ni Joey Marquez na nag-propose na nga kay Winwyn Marquez ang non-showbiz partner niyang ama ng kanyang anak.

Sabi ni Tsong Joey, “Nag-propose na, nagpaalam sa akin. Expected ko naman ‘yun dahil childhood sweetheart niya, e.”

Baka ngayong taon na raw ang kasalan, hindi lang niya alam ang buong detalye. Wala naman daw siya sa lugar na magbigay ng payo sa samahan nila. “Ang payo ko sa kanila, hindi madali ang magkaroon ng… pumasok sa ganung bagay. Ang sabi ko lang sa kanila, ang desisyon niyan, nasa inyong dalawa parati.

“Puwede kong maipayo ‘yung pagiging ama sa mga anak. Sa pagiging asawa, wala akong moral ascendancy e… sa akin na lang, lahat ng gagawin ninyo, kailangang pag-usapan. Dapat pantay kayo ng desisyon,” pahayag ni Joey sa mediacon ng bagong drama series ng GMA 7 na Bolera.

Matagal na raw magkaibigan sina Winwyn at ang partner niya. Kababata raw niya at bestfriend ng kuya niyang si Yeoj.

Samantala, pawang positive feedback ang naririnig namin kay Tsong Joey nang bumalik siya sa GMA 7.

Gustung-gusto raw siya ng co-actors niya lalo na ang production staff. Kaya pagkatapos nitong Bolera, malamang na masundan pa ‘yan ng ibang projects.

Pero ang gusto sana ng aktor ay makabalik siya sa sitcom, lalo na’t maganda at nagri-rate ang mga sitcom ng Kapuso network. “Alam no naman na forte ko talaga comedy.

“Pangarap ko talaga na mag-comedy na kahit anong mangyari, iwanan ko lahat ‘yan ‘pag bibigyan tayo ng comedy. Ang sarap ng feeling na nagpapatawa ka ng tao. Napapabata mo sila,” saad ni Joey sa Bolera na magsisimula na sa May 30, pagkatapos ng First Lady.

Show comments