^

PSN Showbiz

Maraming ginulat...

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Maraming ginulat...
Sen. Grace
STAR/ File

Nagulat na lang kami nang magising kahapon sa balitang yumao na si Susan Roces.

Si Susan ang nakagisnan na naming tinatawag na “movie queen” noong kanyang panahon.

Hindi siya ang unang tinawag na movie queen, hindi rin naman siya ang huli.

Ngayon nga makagawa lang ng ilang hits kung tawagin ay movie queen na agad. Pero ilan man ang tawagin nilang movie queen, si Susan pa rin original.

“Cardiac arrest” ang sinasabi nilang dahilan ng kanyang pagyao sa edad na 80, at sa opisyal na statement ng pamilya, naroroon ang kanyang adopted daughter na si Senadora Grace Poe, dalawang pamangkin, at ilang miyembro pa ng kanyang pamilya.

Noong bata pa kami, maraming pelikula ni Susan ang napanood namin, na karaniwang inilalabas sa Life Theater sa Quiapo. Doon kasi inilalabas ang mga pelikula ng Sampaguita Pictures kung saan siya nakakontrata. Hindi nila nababaggit, pero ang pinakanatatandaan na­ming title role niya ay ang Susanang Daldal, na nagkaroon pa ng sequel kasama niya ang kakumpetensiya niya noon bilang number one, si Amalia Fuentes na ang tawag naman ay “Amaliang mali-mali.”

Sa natatandaan namin, ang unang-unang pelikulang Tagalog na napanood namin in full color ay ang Zamboanga, na pinagbidahan nina Susan at FPJ (Fernando Poe Jr.). Sa pelikulang iyon, una ring nakita ang sayaw na Singkil, na isang wedding dance, at naging consultant nila sa nasabing sayaw ang national artist for dance na si Lucrecia Urtula ng Bayanihan Philippine Dance Company.

Nagsimulang maging artista si Susan bilang child actress noong siya ay sampung taong gulang pa lamang sa Mga Bituin ng Kinabukasan na ginawa ni Jose Nepumuceno, pero tumigil pagkatapos noon dahil sa kanyang pag-aaral. Sa itinagal-tagal namin sa show business, natatandaan naming minsan lang namin nakausap nang mahabaan si Susan, habang naka-break sa isang shooting ng pelikula noon. Wala siyang ginagawa at kausap kaya sinamantala na namin.

Nag-aaral na raw siya sa Maynila noon, nang mabalitaan nilang may Open House sa Sampaguita Pictures. Dahil sa kagustuhan niyang makita ang aktres na si Gloria Romero, nagpunta sila kasama ang kanyang mga kaibigan. Habang naroroon sila, may isang lalaking lumapit kay Susan at sa kanyang mga kaibigan. Kinausap siya ng lalaki, na ang akala niya noong una ay isang character actor. Hindi raw niya alam na ang kausap niya ay si Dr. Jose Perez, ang producer mismo ng Sampaguita Pictures. At nang malaman noon sa interesado siyang mag-artista, agad siyang pina­bigyan ng screen test.

Pagkatapos noon isinama na siya sa pelikula ni Mar S. Torres na Miss Tilapia noong 1956 kasama si Gloria Romero, at pagkatapos, noong 1956 din mismo, naging bida na siya sa pelikula ni Octavio Silos na Boksingera Daw katambal si Luis Gonzales, na natatandaan pa niya ay unang ipinalabas sa Dalisay Theater. Simula noon, sumikat na nga nang husto si Susan hanggang tawagin siyang movie queen.

Si Susan ay nanatili sa Sampaguita Pictures na naka-discover sa kanya, hanggang sa nag-produce na rin siya ng mga pelikula sa ilalim ng Rosas Productions. Tapos nagpakasal na nga sila ni FPJ at nalimitahan nang lalo ang kanyang paglabas sa mga pelikula. Pero naging aktibo rin siya sa telebisyon, at hanggang sa yumao nga ay kasali pa siya sa seryeng Ang Probinsyano, bilang si Lola Kap o Lola Flora ni Cardo Dalisay (Coco Martin).

SUSAN ROCES

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with