^

PSN Showbiz

Alden, pumayag maging Hermano Mayor!

SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula - Pilipino Star Ngayon
Alden, pumayag maging Hermano Mayor!
Alden
STAR/ File

Nakakatuwa si Alden Richards na sa gitna ng pagiging abala niya sa Showbiz commitments, hindi siya nakakalimot sa pinanggalingan niya sa Sta. Rosa, Laguna.

Isa sa highlight sa fiesta sa Sta. Rosa nung nakaraang Linggo, Feb. 20, ay ang paghirang sa kanya bilang susunod na Hermano Mayor para sa taong 2023. Kasama niya bilang hermano mayor ang original manager niyang si Carlites de Guzman.

Hindi ko pa nakatsikahan si Alden, pero ilan sa mga taga-Sta. Rosa na napagtanungan ko ay sinasabing sa susunod na fiesta pa magiging abala si Alden dahil ‘yun daw ang trabaho ng Hermano Mayor.

Sa totoo lang, hindi pa rin talaga nakakalimutan ni Alden ang pinanggalingan niya sa Sta. Rosa. Kaya may mga nagsasabi na tiyak na wagi siya kapag gusto niyang subukang pasukin ang pulitika.

Close rin siya sa kasalukuyang Mayor ng Sta. Rosa na si Mayor Arlene Arcillas.

Samantala, wala pa ring announcement ang GMA 7 tungkol sa drama series na gagawin nina Alden at Bea Alonzo. Pero may kumakalat nang artcard ng Start-Up Philippines na pagbibidahan diumano nina Alden at Bea kasama sina Jeric Gonzales at Yasmien Kurdi.

Noon pa man ay napapabalita nang gagawin ng GMA 7 ang Pinoy adaptation ng sikat na K-drama na ito.

John Arcilla, tatanggap ng pinakamataas na parangal sa ambassadors’ night!

Si John Arcilla ang isa sa paparangalan sa 6th Film Ambassadors’ Night (FAN) ng Film Development Council of the Philippines sa darating na Linggo, Feb. 27, na gaganapin sa makasaysayang Manila Metropolitan Theater.

Kaugnay ito sa pagkapanalo ng magaling na aktor ng Volpi Cup sa 78th Venice International Film Festival, mula sa pelikulang On the Job: The Missing 8 ni direk Erik Matti.

Kaya sa kanya igagawad ang pinakamataas na parangal ng FDCP na Camera Obscura Artistic Excellence Award.

Bukod kay John ibibigay rin ang naturang parangal sa  pelikulang Whether the Weather is Fine o Kun Maupay Man It Panahon ni direk Carlo Francisco Manatad at sa pelikulang Gensan Punch ni direk Brillante Mendoza.

Bale 319 awardees ang paparangalan sa darating na Linggo - filmmakers at mga aktor na nag-uwi ng karangalan sa iba’t-ibang international film festivals.

Ang isa pang malaking parangal na igagawad ng FAN ay ang Gabay ng Industriya Award na ipag­kakaloob sa mga natatanging taga-industriya na may malaking kontribusyon at itinuturing na haligi ng movie industry.

Ang Ilaw ng Industriya ay igagawad kay Rosa Rosal na tinaguriang Original Femme Fatale of Philippine Cinema.

Ang Haligi ng Industriya ay para naman sa film producer na si Jesse Ejercito na dating deputy director general ng Film Academy of the Philippines, at dating presidente ng PMPPA o Philippine Motion Pictures Producers Association.

May special citation ding igagawad kay Vice Ganda dahil sa pagkapanalo ng game show niyang Everybody Sing! sa Asian Creative Aca­demy.

Sa ginanap ng presscon ng Film Ambassadors’ Night ng FDCP nung nakaraang Martes, kinumpirma na rin ni Chairperson Liza Diño na matutuloy ang Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong taon.

Bago man matapos ang term niya bilang Chairperson ng FDCP ay gusto niyang matuloy na ang taunang filmfest ng FDCP.

Napabalita kasi noon na kaya hindi ito natuloy nung nakaraang taon ay dahil sa hindi niya nakuha ang suporta ng theater owners.

Sinabi ni Madam Liza na may ibang priorities daw nung nakaraang taon ang theater owners lalo na’t kabubukas pa ang noon ng mga sinehan.

Pero inaasahan daw nilang susuportahan na sila ng grupo ng theater owners ngayong 2022.

“I think may meeting kami sa kanila, next week para planuhin ang magiging mechanics para sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

“I’m very very optimistic and hopeful that we’re doing it not for ourselves it’s for our recovery,” pakli ng FDCP Chairperson.

Hindi naman kaila sa karamihan na ang dami ring hirap na pinagdaanan ng FDCP sa projects na sinimulan nila.

Marami ang umaayon at nakikisama sa kanila, pero meron ding kumokontra. Pero gusto pa rin silang pasalamatan ni Chairperson Liza Diño.

Dagdag pa niyang pahayag; “Ang dami kong natutunan. It was such a humbling experience for me to realize na ang pagiging isang leader hindi lang para pakinggan ka at sundin ka at suportahan ka sa lahat ng ginagawa mo.

“Being a leader is being ready and being humbled enough to accept that may negative feedback na mabubuo… at the more ka maging leader is you are open to listen to these negative feedbacks para mas lalo mong maipagbayo mo ang goal mo.

“Ang ini-expect ko, e artista ako, siyempre emotional ako, dapat naintindihan ‘nyo ito kasi nagpunta ako dito na ganito ako ‘di ba?

“I have to step back and really change ‘yung perspective ko bilang isang leader na hindi ko dapat i-expect na maintindihan ako ng lahat.

“Hindi ko dapat i-expect na pag nagiging masyado akong emotional sa mga bagay bagay dapat ma-gets nila ‘yun.”

Ang dami naman daw niyang natutunan sa mga batikos at puna na ibinabato sa kanya.

“Lahat ‘yun nagturo sa akin kung ano na ‘yung pinaka-effective na paraan para mas lalo kong masuportahan ‘yung industriya na hindi iniisip ‘yung sarili ko, kundi ‘yung kapakanan ng buong industry.

“Sa mga hindi pa naniniwala at hindi pa rin sumasang-ayon sa nga inisyatibo na ginagawa ng FDCP, I will do better. I will be better para mas makarating tayo sa goal natin na magkaroon talaga tayo ng pagkakaisa. Kasi ang dami nating kailangang i-address,” sabi pa ng FDCP Chairperson Liza Diño-Seguerra.

ALDEN

FDCP

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with