^

PSN Showbiz

Aktres nagpapanggap na masaya, ex may karapatang panghinayangan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Mas maraming naniniwala na hanggang ngayon ay hindi pa rin napaglalabanan ng isang kilalang female personality ang paghihiwalay nila ng boyfriend niyang kilala ring aktor.

Hindi pa siya nakakapag-move-on. Nagmamatapang lang siya, kunwari’y masaya, pero ang totoo ay sobra siyang nanghihinayang sa kanilang paghihiwalay.

Kuwento ng aming source na hindi na nagulat sa mga umiikot na balita, “Totoo naman kasing nakapanghihinayang ang male personality. Mabait siya, walang kaangas-angas, marespeto, ano pa ba naman ang hahanapin niya sa male personality?

“Wala siyang naging sakit ng ulo sa boyfriend niya, magaan dalhin, trabaho lang ang kaagaw niya sa attention ng guy, sa totoo lang!” unang sultada ng aming source.

Wala tayong anumang narinig mula sa lalaking personalidad, ganu’n siya, alam niyang ilugar ang sarili niya sa kahit anong isyu.

Sabi uli ng aming impormante, “Wala ka talagang maririnig mula sa guy. Napaka-cool niya. Marespeto. Kahit nu’ng mag-break sila ng dalawang exes niya na parehong kilala, wala rin tayong narinig mula sa kanya.

“Panghihinayangan talaga siya ng nakahiwalay niyang girlfriend. At kapag nauwi sa totohanan ang pagiging close nila ng isang female personality na nakakatrabaho na niya, ‘yun na ‘yun!” kumpirmasyon pa ng aming source.

May mga sighting na nga tungkol sa dalawa. Tapos na ang show na pinagsasamahan nila pero mukhang mas nagiging close pa sila ngayon. Gustung-gusto pa naman ng kanilang mga kaibigan-katrabaho na mauwi sa relasyon ang pagiging malapit nila ngayon.

“Naku, sa totoo lang, ang dami-daming nang-uurot sa kanila. Binibiro na sila ng mga kaibigan nila na ituloy na nila ang action! Bagay na bagay kasi silang dalawa.

“E, kumusta naman ang male personality na nali-link sa girl? Aysus, aralin muna sana ng girl ang history ng pakikipagrelasyon ng lalaking ‘yun!

“Nagkaroon na ba ng seryosong relasyon ang guy? May nagtagal na ba siyang girlfriend? Nagkaroon siya nu’n, pero anyare? Nag-aaway pa nga sila, sustento sa dyunakis nila ang dahilan!

“Ay, nakapanghihinayang talaga ang naka-break niyang male personality, wala na siyang makikitang ganu’n kamarespeto at simple lang, walang kayabang-yabang! Aysus, kabarus, Vito Cruz, Sta. Cruz at iba pang cruz!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Musoleo ni April Boy, kasing presyo ng bahay

Isang taon at tatlong buwan nang namamayapa ang Jukebox Idol na si April “Boy” Regino. Mula nu’n hanggang ngayon ay wala pa ring paggaling ang sugat na iniwan ng kanyang pagkawala sa mag-iina ng sumikat na singer.

Mga gabing antok na antok naman siya, pero ayaw dalawin ng tulog si Madel, hinahanap-hanap pa rin niya ang presensiya ng kanyang mister.

Nasa Amerika ang kanilang mga anak na sina Charmaine at JC, pero biglang tatawag sa kanya na umiiyak, “Mommy, miss na miss na po namin si daddy.”

Matagal pang gagamutin ng panahon ang ang hapdi sa puso ng mag-iina. Nasanay kasi silang palaging magkakasama. Tama nang sila-sila lang ang nagkukuwentuhan.

Malapit nang matapos ang ipinagagawa nilang musoleo ni April Boy. Kakaiba ang magiging himlayan ng Jukebox Idol. Dalawang palapag ‘yun na may nakalaang espasyo para sa makasaysayang sumbrerong ihinahagis ng Idol ng bayan sa kanyang mga shows.

Nandu’n din ang kanyang paboritong gitara, kitang-kita na agad ‘yun sa pagpasok pa lang sa sementeryo, alam na agad ng makakakita na si April “Boy” Regino ang nasa musoleo.

Sinserong pahayag ni Madel, “Ibinabalik lang po namin sa kanya ang magandang buhay na ibinigay niya sa amin. Kami po ang naging center ng buhay ni April, walang iba, talagang ginawa niya ang lahat para guminhawa ang buhay namin.

“Bilang pasasalamat po, ibinabalik namin sa kanya ‘yun ngayon. Wala man siya, maipararamdam namin kung gaano kami nagpapasalamat sa kanya at kung gaano namin siya kamahal,” sabi ni Madel.

Presyo na ng isang bahay ang inabot ng musoleo. Pero tama si Madel, puro kaginhawahan ang ibinigay sa kanilang mag-iina ni April Boy, kaya ang presyo ay hindi na mahalaga para sa kanila.

“Iba po ang may sarili siyang bahay, deserve niya po ito, hindi na po ako nag-aalala kapag umuulan. Hindi pa po ako nangangalahati sa pagluluksa, kaming mag-iina, siya pa rin ang sentro ng buhay namin kahit wala na siya,” emosyonal na pahayag ni Madel.

Ang mga kuwento ni Madel ay personal na­ming nasaksihan. Ang kanilang pagmamahalan, ang respetong ibinahagi nila sa isa’t isa, ang mga pangarap nila para kina Charmaine at JC na natupad.

Panghuling emosyon ni Madel, “Mula umaga po hanggang gabi, si April lang ang laman ng puso ko. Ngayon ko po mas ninanamnam ang mga lyrics ng mga ginawa niyang kanta. Totoong-totoo pala.”

APRIL BOY

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with