^

PSN Showbiz

Lalaking personalidad noon pa mahilig magpahintay, walang respeto sa oras ng iba

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Matagal nang inirereklamo ng kanyang mga kausap ang isang kilalang-kilalang lalaking personalidad sa pagsasayang ng oras ng kanyang kapwa.

Sumasagot siya, nakikipag-usap sa oras, pero ang kinauuwian ay ang pagkainip at pagkainis ng kanyang mga tinatanguan.

Kulang siya sa disiplina, samantalang sa hanay na kanyang kinabibilangan ay napakahalaga nu’n, kaya maraming nagtataka kung bakit siya unprofessional.

Kuwento ng aming source, “Lalo na ngayon, pulitiko na siya, minamarkahan ng mga kausap niya ang mga panahong nagpapahintay siya! Wala siyang pakialam sa oras ng ibang tao!” naiinis na unang sultada ng aming impormante.

Naging ugali na niya ang ganu’n. May magpupunta sa kanyang bahay, papapasukin niya naman ang mga duma­ting, pero ilang oras na naghihintay sa kanya ang grupo.

“Nakakaloka siya! Inaantok na ang mga naghihintay sa kanya, ‘yung iba nga, e, talagang nakatulog na sa sobrang inip! May naghihintay sa kanya, pero pepetiks-petiks lang siya sa kuwarto nilang mag-asawa!

“Kapag hinarap na niya ang mga naghihintay sa kanya, e, puro wala nang gana! Inaantok na kasi, bagong gising naman ang iba, ganu’n siya ka-unprofessional!” pagpapatotoo pa ng aming source.

Gumawa sila ng TVC ng isang kilalang male personality. Maayos ang call time. Alas dos nang hapon. Tanghali pa lang ay nandu’n na ang buong produksiyon, inaayos na ang set, para pagdating ng mga endorsers ay take na agad sila.

Balik-kuwento ng aming source, “Dumating ang co-endorser niya nang ala una. Pero ang male politician, ni anino, e, wala pa. Alas kuwat­ro na nang hapon, wala pa rin siya!

“Sabi nang sabi ang assistant niya na parating na raw, pero saan ba siya nanggaling, sa ibang bansa ba at wala pa rin naman siya sa location?

“Alas siyete nang gabi, dinner time na, wala pa rin siya. Galit na galit na ang production dahil napakalaking abala nu’n, pati ang budget nila sa pagkain, magdadagdag pa sila! Nirerentahan lang nila ang studio!

“Juice colored! Alas nuwebe na siya dumating! May sumingit daw kasing meeting, tinapos daw muna niya! Sabi sa kanya ng director, ‘Ipina-block na namin sa inyo ang araw na ito, di ba? Dapat, wala nang ibang kompromiso pang tatanggapin ang grupo n’yo.’

“Kunwari, e, walang narinig ang male personality, deadma lang siya. ‘Yung co-endorser niya, nakatulog na sa van niya! Naiinis na sa kahihintay!

“Tingnan natin ngayong panahon na ng kampanya kung hindi siya magi­ging unprofessional. Gawin niya ‘yun nang madalas at siguradong pupulutin siya sa kangkungan!” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Angelica, tinapatan ni Juliana!

Dahil sa hugot video na ginawa ni Angelica Panganiban ay naging sentro siya ng bashing. Grabe ang mga salitang ipinakakain sa kanya ng mga bashers.

‘Yun ang literal na kahit asong gutom ay hindi nanaising kainin dahil talagang puro negatibo ang ipinupukol kay Angge. Tinawag siyang starlet. Nag-iingay lang daw siya dahil gusto niyang magpapansin. Wala na raw siya sa gitna ng entablado kaya kailangan niyang magparamdam.

Kinontra ‘yun ng isang basher, hindi raw starlet si Angelica, starless daw dapat ang ikabit na pagpapakilala sa kanya. Napakasakit dahil marami nang napatunayan ang aktres.

Kumikita ang kanyang mga pelikula, maga­ling siyang umarte, hindi starlet o starless ang dapat itinatawag sa isang tulad niya.

Alam ni Angelica kung ano ang magiging resulta ng kanyang katapangang gawin ang nasabing hugot video. Nakahanda siya sa bashing, alam niya na gagawin siyang sunog na inihaw nang dahil du’n, pero itinuloy niya pa rin.

Bibihira ang katulad niya sa punto ng katapangan. Sinasabi niya ang kanyang gusto. Pinaninindigan niya ang kanyang ginagawa at mga sinasabi. Hindi uso sa kanya ang pagpapanggap.

Mainit ang labanan. Sinagot naman ni Juliana Pariscova ang kanyang hugot video. Si Direk Darryl Yap, ang napapanahong direktor, ang sumulat ng script at nagdirek ng video sa loob lamang nang isang oras.

Pero nakakaaliw ang bersiyon ng beking komedyante, puro patama kay Angge ang kanyang mga kuda, plakadung-plakado ng video nito ang ginawa ni Angge.

Tayong mga nasa labas ng kuwadro ay nakamasid lang. May naiinis, nagagalit, naaaliw at iba pang emosyon ayon sa ating paniniwala.

Simula pa lang ito, sa darating na Martes ay lalarga na ang mga pulitiko para sa pagsisimula ng kampanya, gaano kaya kainit ang magiging resulta ng pulitika sa ating bayan?

Abangan!

vuukle comment

TIME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with