^

PSN Showbiz

FPJ Ave., pambawi sa mga ‘di kagandahang pangyayari sa showbiz

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
FPJ Ave., pambawi sa mga âdi kagandahang pangyayari sa showbiz
Fernando Poe Jr.

Kamakalawa ay pinirmahan na nga ni Presidente Digong ang RA 11608, na nagtatadhana ng pagpapapalit ng pangalan ng Roose­velt Avenue sa Quezon City, para tawagin na nga ngayong Fernando Poe Jr., Avenue, bilang pagkilala sa hari ng pelikulang Pilipino at national artist for film na si FPJ.

Natural na natuwa ang mga tao sa industriya ng pelikula na sinasabi nga nilang naghihingalo na.

Sunud-sunod na dagok ang duma­ting sa industriya, pinakamalungkot ay iyong walang kumita isa man sa mga pelikula sa katatapos na MMFF.

Kaya napakalaking bagay nga naman na sa kabila ng lahat kinilala na si FPJ.

Hindi naman iyan ang first time na pinarangalan si FPJ. Ipinagpatayo na rin siya ng isang monumento ni da­ting Mayor Alfredo Lim sa Roxas Boulevard.

Si Senador Lito Lapid noon ang unang nagpanukala na tawaging FPJ Avenue ang kasalukuyang Del Monte Avenue, dahil naroroon daw ang studio ni FPJ. Pero ang hindi nila alam, kaya tinawag na ganun ‘yun ay pinaikling San Francisco del Monte, ang unang mission territory ng mga paring Franciscano na itinatag ni San Pedro Bautista noong siya ay naririto pa sa Pilipinas, at siyang lugar na pinagsimulan ng buong Quezon City.

Dahil sa rami nga ng tumutol, minabuti ni Senador Tito Sotto na ipanukalang ang Roosevelt na lang ang ipangalan kay FPJ dahil naroroon ang kanilang ancestral house kung saan siya lumaki.

Sa Tondo, noon pa ay may Tirso Cruz Street. Hindi si Pip (Tirso Cruz III) iyon. Lolo niya si Tirso Cruz na sikat noong araw at lider ng Manila Hotel Orchestra, highest paid musician ng kanyang panahon at siyang gumawa ng kantang Mabuhay, na palagiang tinutugtog hanggang ngayon kung may mataas na opisyal ng pamahalaang dumarating.

Mali naman ang paniniwalang ang bayan daw sa Pangasinan ay pinangalanang Carmen Rosales dahil sa sikat na aktres. Ang pangalan ng bayang iyon ay Rosales lamang, at iyon ay ipina­ngalan sa industriyalistang si Don Antonio Rosales sa bisa ng isang dikretong pinirmahan ng hari ng Espanya noon pang 1852.

Pero totoo rin naman na sa bayan ng Rosales sa Pangasinan ay may barangay na ang pangalan ay Carmen, kaya minsan ay tinatawag iyong Carmen, Rosales.

Diyan din naman sa Pasay, sa harap mismo ng Star City, mayroon Vicente Sotto St., pero iyon ay ipinangalan sa manunulat, peryodista at naging senador din noong araw na si Vicente Sotto. Lolo iyon nina Vic at Tito Sotto at hindi diumano tinawag ng ganoon ang kalye dahil sa kanya.

Kaya kung iisipin mo nga tanging si FPJ pa lamang ang nabigyan ng ganyang pagkilala.

Inatasan na rin ng batas ang Department of Public Works sa pagbabago ng mga street sign. Pero hindi ganoon kabilis ang pagbabago. Gaano nga ba katagal bago nakasanayang tawagin ng Recto Avenue ang dating kalye Azcarraga? Hanggang ngayon, bihira pa ring tawaging Chino Roces Avenue ang Pasong Tamo sa Makati. Ang tawag pa rin sa dating Culi-culi ay Pasay Road kahit na matagal nang pinalitan ang pangalan noon ng Antonio Arnaiz.

Mahirap na basta palitan ang pangalan ng kalye at sa palagay namin aabutin pa ng maraming taon bago makasanayan ng mga taong tawaging FPJ Avenue iyang Roosevelt.

FERNANDO POE JR.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
no session for state
no session for code
no session for id_token
no session for user