^

PSN Showbiz

Aktres na mahilig sa afam, bagong atraksyon sa isla

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kumalat na ang balita sa mga probinsiyang kalapit ng isang isla tungkol sa isang libre at magandang “tanawin” tungkol sa lugar.

Maraming dahilan para sadyain ng mga kababayan natin ang isla. Malinis ang dagat, sariwa ang hangin, mabubusog talaga ang mga mata ng mga bakasyunista sa magagandang katangian ng isla.

Pero hindi ‘yun ang laman ng magandang imbitas­yon kung bakit masarap magpunta ngayon sa nasabing lugar, kakaibang tanawin ang tatambad sa kanila, hindi lugar kundi tao.

Kuwento ng aming source, “Kumakalat na ngayon ang balita, kakaiba ang drama ng imbitasyon, isang kilalang female personality ang ginagawa nilang panghalina!

“Patol-to-the-max naman ang mga nakakatanggap ng imbitasyon, gora talaga sila sa isla at totoo nga ang balita, sulit na sulit ang pagsadya nila sa isla!” unang pagbubukas ng kuwento ng aming impormante.

Du’n na halos naninirahan ngayon ang pamosong female personality pagkatapos nilang maghiwalay ng kanyang karelasyon nang mara­ming taon.

“Nu’ng una, e, gusto lang siguro niyang makalimot, hindi nga naman ganu’n kasimpleng kalimutan ang lalaking minahal niya nang sobra-sobra. Pero du’n din pala sa islang ‘yun niya makikita ang gagamot sa puso niya.

“Nakapag-move-on na siya, meron nang nagpapasaya sa kanya, tama ang sinasabi ng mga kaibigan niya na mahilig ang girl sa afam. Di nga ba naman, afam din ang una niyang naging boyfriend?

“Ngayon naman, foreigner pa rin ang pinili niya. Walang dugong-Pinoy, afam talaga, mukhang masaya naman siya,” dagdag na impormasyon ng aming source.

Ano ba ang magandang “tanawin” na ipinagmamalaki ng isla kaya maraming nagpupuntahan du’n ngayon?

“Sino pa, di ang female personality? Ang dati nilang napapanood lang sa pelikula at napapanood sa TV, nandu’n, pala­ging rumarampa sa isla na naka-two-piece lang!

“Binabantayan talaga ng mga bakasyunista ang girl na impernes, e, meron namang maipakikitang kaseksihan! Maganda na raw, e, super-sexy pa!

“Basta, rampa lang siya nang rampa nang naka-two-piece bikini, wala siyang pakialam sa mundo, walang basagan ng trip, di ba naman?

“Magtatayo na sila ng business du’n ng bagong boyfriend niya, maagang promo lang ang ginagawa niyang pagrampa. Para-paraan nga lang naman ‘yan, bakit ba?” aliw na aliw na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Vice, napasama sa ginawa ni ate gay

Totoong-totoo ang kasabihan na mas mahalaga ang pisong tulong na tinatanggap natin sa panahon ng pangangailangan kesa sa mas malaking halaga sa oras ng ating kaginhawahan.

Ang biyayang dumating sa atin sa panahon nang kagipitan ay hindi natin maaaring palitan ng kahit ano at lalong hindi natin mabibili nang kahit magkano.

Ngayong pandemya ay milyong kababayan natin ang namimilipit sa kawalan. Laganap ang kahirapan. Milyon-milyon ang nawalan ng trabaho kaya suntok sa buwan kung saan sila kukuha ng kabuhayan.

Ganu’n ang buod ng sama ng loob ngayon ni Vice Ganda. Nang magkasakit ang kasamahan niyang komedyanteng si Ate Gay ay nagpadala siya ng tulong. Hindi niya ‘yun ipinagmakaingay. Puso lang niya ang nakakaalam.

Inilabas ni Ate Gay ang halagang ipinadala sa kanya ni Vice Ganda, beinte mil, maraming nakisawsaw sa isyu at nanunumbat kay Vice kung bakit dalawampung libong piso lang ang ipinang-ayuda niya kay Ate Gay samantalang napakayaman niya?

Sumama ang loob ni Vice. Siya na nga naman ang tumulong ay pinalabas pa siyang masama. Ang beinte mil na ipinangtulong niya kay Ate Gay ay napakalaking halaga na kung tutuusin dahil magpagulung-gulong man tayo ngayon mula sa Caloocan hanggang Baclaran ay wala tayong mapupulot na beinte mil sa kahabaan ng EDSA.

Wala sa yaman ang pagtulong. Maraming nagkakamal nang milyones na hindi naman nagbabahagi ng kanilang yaman sa mga nagdarahop. Puso ang nagdidikta ng pagtulong.

Bilyonaryo ka man, kung wala ka namang hangarin makatulong, ay wala rin. Pero merong mga taong sapat-sapat lang ang hawak pero may puso pa ring duma­damay sa kanilang kapwa.

Humingi na ng dispensa si Ate Gay sa paglalabas nito ng halagang ipinadala sa kanya ni Vice pero ang pangungutya at paghusga kay Vice ay laganap pa rin.

Mahirap nga naman ang kanyang sitwasyon. Tumulong na nga siya ay lumabas pa siyang masama at maramot. Paano kung hindi siya tumulong kay Ate Gay nang magkasakit ito?

Di lalo na? Siguradong mas masasakit na salita pa ang kakainin niya sa agahan, tanghalian at hapunan. Baka nga may midnight snack pa.

VICE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with