Ate Vi, vlogger na rin!
Ang ganda ng huling vlog ni Luis Manzano sa kanyang Lucky TV channel kung saan nagkaroon sila ng heart to heart na usapan ng kanyang inang si Congresswoman Vilma Santos-Recto.
Heart to Heart Talk with Momskie ang title ng vlog niya at doon inilabas nilang mag-ina ang saloobin nila sa isa’t isa.
Napag-usapan nila ang pagbubuntis ni Cong. Vi kay Luis na sabi ng Star for All Season, ‘honeymoon baby’ raw niya si Luis.
Ang artistang unang nasabihan daw niyang buntis siya ay si Christopher de Leon na sinabi raw niya nung nagsu-shooting sila. Hindi pa raw niya masabi sa publiko na nagdadalangtao siya dahil hihintayin daw muna niyang maipalabas ang pelikula nila.
Dito hiniritan siya ni Luis ng tanong na; “Ni minsan ba hindi kayo naging romantically involved ni Tito Boyet?”
Parang naalangan si Cong. Vi na sinagot niyang “Hindi.” “Wa! Nag-isip ka! Nakita n’yo nag-isip ka,” buwelta sa kanya ni Luis na natatawa na lang si Cong. Vi na sinabihan niyang may pagkatsismoso ang anak niya.
“Sa dinadami-dami ng proyekto nyo ni Tito Boyet… ‘di ba kadalasan, kapag partner, ni minsan ba hindi nagkaroon ng pagtitinginan o nabuong pagmamahalan o anuman?” tanong uli sa kanya ni Luis. “Basta platonic love kami meron,” pakli ng kanyang ina.
“Basta that time, wrong timing kaming pareho. ‘Pag libre siya, ako may boyfriend and vice versa. We ended up platonic love. We care for each other. Ninong ako ng panganay nila anak,” dagdag niyang sagot kay Luis.
Pero in-insist pa rin ni Luis kung TOTGA o The One That Got Away ba ni Cong. Vi si Boyet. “Hindi! Ano ka ba!” pagdidiin ni Cong. Vi.
Nai-enjoy ng Star for All Season ang tsikahan nila ni Luis at ang ginagawa nila sa vlog ni Luis.
Kaya sinabihan niya si Luis pati si Jessy Mendiola na bago raw sila umuwi sa kanilang bahay, dapat ay gawan daw siya ng YouTube channel.
Gusto na rin ni Cong. Vi na mag-vlog na i-update raw niya ang subscribers niya ng lahat na ginagawa niya sa araw-araw. “Pero dapat marami akong subscribers,” sabi ni pa ni Cong Vi.
Kaya doon na rin ay in-announce na nila ang YT channel ni Cong. Vi ay Youtube.com/VSRecto.
Bago natapos ang kanilang interbyuhan, madamdamin ang mensaheng ipinarating ni Luis sa kanyang ina. Aniya; “Kahit ilang milyong beses na niyang sinabi na tuwing alas-nuwebe, alas-otso ng gabi na I love vou Lucky, I’ll take this time to say it back na I love you Mommy.”
Napaka-touching ng vlog na ‘yun, at nakikitang masayang-masaya si Cong, Vi sa buhay niya kasama ang kanyang pamilya. Proud siya bilang ina na napalaki niyang mabubuting tao ang kanyang anak na sina Luis at Ryan Christian.
- Latest