_ngayon
^

PSN Showbiz

Mahusay na babaeng broadcaster, laging gustong kabugin ang mga katrabaho

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Saganang-sagana sa pamba-bash ang isang babaeng broadcaster. Pakiramdam ng mga kababayan natin ay palagi siyang nakikipagkumpetisyon sa kanyang mga kasabayan.

Matalino siya, walang kuwestiyon sa kanyang kapasidad, pero nag-iisang komento ng mga umaayaw sa kanyang atake ay wala siyang pakiramdam.

Sasabihin ng female broadcaster ang kanyang gusto kahit pa mapahiya nang bonggang-bongga ang kanyang iniinterbyu. Para lang masabing ang galing-galing niya, para lang maangkin niya ang kredito ng pagiging parangkang host, gusto niyang sakupin ang mga papuri.

Kuwento ng aming source, “Kulang na kulang siya sa emotion. Wala siyang pakiramdam. Wala siyang pakialam kung sobrang napapahiya na ang ini-interview niya.

“Ibang klase ang babaeng ‘yun! Gusto talaga niyang sumikat nang todo, gusto niyang kabugin ang mga kakontemporaryo niya! Gusto niyang masolo ang mga kredito!” inis na pahayag ng aming impormante.

Sa istasyon kung saan nagseserbisyo ang babaeng broadcaster ay iniiwasan siya. Wala siyang masyadong kaibigan. Dahil ayaw siyang maging kaibigan kahit ng mga katrabaho niya.

Pag-alala pa ng aming source, “Kapag padating na siya, halatadong nag-iiwasan sa kanya ang mga nandu’n. kani-kanyang alisan na sa umpukan ang mga tao kapag dumarating na siya.

“Baka kasi maki-join pa siya, baka makisali pa siya sa kuwentuhan. Ka­baligtaran siya ng ibang mga broadcaster na tanggap na tanggap ng grupo,” natatandaan pa ng aming source.

Sayang na talento. Magaling pa naman siya, kaya niyang tawirin ang kahit anong paksa, kaya nga lang ay masyado siyang pabibo.

Madiing sabi ng aming impormante, “Hindi niya aaminin pero meron kasi siyang gustong kabugin! Kaso, halos nasa finish line na ang taong ‘yun, wala na siyang pagkakataon pang makahabol.

“Hindi kasi maepal ang female broadcaster na gusto niyang kabugin, walang mga drama sa buhay ang isang ‘yun, napakakaswal niya!

“E, ang girl na itey, marami siyang palabok sa buhay, nangangabog talaga siya! Tapos na ang bagyo, tuyo na ang lupa, pero para kakaiba siya, e, padidiligan pa niya ang paligid para lang palabasin niyang basang-basa siya! Nakakaloka ang babaeng ‘yun!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

BL movie na gameboys 2,nagbigay ng init at kilig

Mulat kami na BL movie ang Gameboys 2.  Panahon ngayon ng mga palabas na ganu’n ang tema. Pagmamahalan ng lalaki sa lalaki.

Tinutukan namin ang pelikula nu’ng isang gabi, ang mga bida, sina Elijah Canlas at Kokoy de Santos. Paminsan-minsan ay dinadagsa tayo ng mga baguhang may lalim sa pagganap.

Dagdag sa bilang sina Elijah at Kokoy na hindi lang basta umaarte, nagkukuwento sila habang nakaharap sa mga camera, may gustong ipaunawa ang mga papel na ginagampanan nila.

Lahat ng mga sangkap para bigyan ng init at kilig ang manonood ay nasa Gameboys 2. Halikan ng magkaibigang nauwi sa pagmamahalan ang relasyon. Nandu’n ‘yun.

Nagpatong sila at pinadaloy ang naglalagablab nilang emosyon, hindi na mahalaga kung sino ang top o bottom, pero walang kadaya-daya nilang pinakawalan ang pagmamahal na para lang sa isa’t isa.

Habang nagtititigan sina  Elijah at Kokoy at nagtatawid kung gaano nila kamahal ang bawat isa ay hindi dalawang lalaki ang nakikita mo kundi dalawang taong nagpapasalamat dahil inilaan sila para magmahalan nang walang pretensiyon.

Maayos ang daloy ng kuwento na nagpapaunawa sa manonood na ang tunay na pagmamahal ay hindi nanunukat kung lalaki o babae ba ang iniibig mo.

Ang malinaw na mensahe ay puwedeng magmahal ng kahit sino ang bawat isa sa atin basta wala tayong sinasaktan at inaagawan para tayo makumpleto.

Ramdam na ramdam ang kahenyuhan ni Direk Jun Lana sa pagtitilad at pagbabalangkas ng mga linyang naitawid nang makabuluhan nina Elijah at Kokoy.

Iningatan ni Direk Ivan Payawal ang eksekusyon ng mga eksena, kinambalan ‘yun ng magandang pag-iilaw ni Carlo Mendoza, ramdam sa kabuuan ng pelikula ang mabusising pag-aalaga nina Direk Perci Intalan at Elmer Gatchalian ng The IdeaFirst Company.

Seselyuhan ng ending ang isang dakilang pagmamahalan, bubuhos ang luha nang hindi mo nararamdaman, ang mahalaga nga sa buhay na ito na napakigsi lang ay kung kanino ka maligaya at kung sino ang nagpapaligaya sa iyo.

Tapos na ang palabas ay may isang tanong na maiiwanan sa isip mo. BL movie ba ang katatapos mo lang panoorin? Kunsensiya mo ang kokontra. Hindi. Ang tinutukan mo ay isang kuwento ng pang-unawa at pagbibigay-respeto sa isa sa pinakadakilang regalong ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Pagmamahal.

Kina Elijah Canlas at Kokoy de Santos, ang aming pagsaludo, ibang-iba kayo sa iba!

BL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with