_ngayon
^

PSN Showbiz

Babaeng personalidad binawalang irampa noon ang sikat at gwapong karelasyon

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Tawang-tawa ang aming source sa nakakalokang kuwento tungkol sa isang dating karelasyon ng isang popular na male personality nu’ng kasagsagan ng kanilang romansa.

Palibhasa’y maraming kababaihan ang nagpipista sa kaguwapuhan at kasikatan ng male personality, pakiramdam ng dati niyang karelasyon ay isa siyang napakalaking isdang nahuli sa karagatan, ipinagmamalaki siya ng babae.

Kuwento ng aming source, “Ikaw ba naman, pinili kang maging girlfriend ng isang sikat na artistang guwapung-guwapo at pinagkakaguluhan ng mga girls, hindi ka ba naman maloloka?

“Natural, ang feeling mo, e, napakaganda mo, di ba? Parang mas maganda ka pa sa Miss Universe, dahil sa dinami-dami ng babae sa buong mundo, e, ikaw ang napiling makarelasyon ng sikat at guwapong aktor!” tawa nang tawang unang sultada ng aming impormante.

May sinasabi ang pamilya ng babae, edukada rin ito, pero ayaw sa kanya ng mga faney ng male personality dahil hindi kuno sila bagay.

Patuloy ng aming source, “E, mahilig sumama ang girl sa male personality, sabit nang sabit sa mga lakad, bakit nga naman? Parang mayhawak siyang trophy kapag magkasama sila ng super-guwapong male personality?

“Punta sila nang punta sa mga party, isinasama ng girl ang boyfriend niya sa kahit anong piging lang! Si­yempre, ipinagmamalaki niya na siya ang piniling makarelasyon ng lalaking kahit saan magpunta, e, kinakikiligan!

“Hindi pa uso nu’n ang pagse-selfie, pero ang girl, palaging hawak ang camera niya, pitik nang pitik, dahil napakaguwapo nga naman ng boyfriend niya!

“Pero biglang nahinto ang kapritso ng babae, may nagbawal sa male personality na makita siyang kasama ang girl, makasisira raw kasi ‘yun sa career niya! Naunsiyami ang girlash, hindi na niya nakakasama sa labas ang boyfriend niyang guwapo!

“Hanggang sa house na lang siya, hindi na niya naipaparada ang BF niya sa kahit saan, bawal na bawal na! May mga nang-iimbitang kaibigan sa kanila, pero hindi na niya maisama ang male personality, bawal!

“Nakakaloka! Nagkaroon nga siya ng boyfriend na super-guwapo at sikat, pero bawal naman siyang makita sa labas, napakasakit nga naman nu’n!

“Nagkaroon sila ng anak, mas kamukha ng girl ang produkto nila, walang nakuha sa kanyang ama kundi ang name niya!” tawa pa rin nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Alden at Jasmine,nambitin

Tinututukan namin gabi-gabi ang seryeng pinagtatambalan nina Alden Richards at Jasmine Curtis Smith. Maganda ang daloy ng kuwento, kakaiba, interesante.

Dalang-dala ng Pambansang Bae ang papel na ginagampanan niya, napakaguwapo niya sa halos lahat ng anggulo, humihingi rin ng simpatya ang role niya bilang kinakawawa ng kontrabidang si Tom Rodriguez sa istorya.

Pero nu’ng Huwebes nang gabi ay naunsiyami kami sa kissing scene nina Alden at Jasmine. Sana ay hindi na lang ‘yun kinunan. Halatang-halatang daya ang eksena.

Ibinabad pa ang mga camera nang napakatagal, lalo tuloy nakitang dayang-daya lang ang eksena, kinunan na lang sana ‘yun nang malayuan para mapaniwala ang manonood na naghahalikan nga sila.

‘Yun lang naman. Pero sa kabuuan ay wala nang kapansin-pansin na makakaabala ng ating isip, maayos na ang mga eksena, partikular na ang marespetong pagpapaalam ni Alden kay Dina Bonnevie.

Ang inaabangan ngayon ng mga tagahanga ni Alden ay ang gagawin niyang paghihiganti sa mayabang at pasaway na si Tom. Unti-unti nang lu­malabas ang mga pangil ng mabait pero kinakawawang si Louie sa kuwento.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Wala ka nang hahanapin pa kay Alden. Napa­kaguwapo na, magaling pa siyang umarte. At lalo pa siyang gumuguwapo sa paningin ng televiewers dahil alam nating may mabuting puso siya.

“Sana, maraming tumulad kay Alden na nasa kanya na ang lahat-lahat, pero napaka-humble pa rin,” papuri ng kaibigan naming si prop.

May isang kaibigang nakapagkuwento sa amin na kahit naka-lock-in taping si Alden ay hindi ‘yun nagiging hadlang sa pagbibigay niya ng ayuda sa mga kababayan nating dinadalaw ng kalamidad.

Laganap ang pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan, may bulkang pumuputok, maraming kababayan natin ang nangangailangan ng tulong.

Kumpleto ang komunikasyon ni Alden at ng kanyang team, mapuso rin ang mga taong nag-aalaga sa kanya na sina Carlites at Tenten, abala man sa trabaho ang sikat na aktor ay may mga kumikilos para sa kanya.

Napakagandang puso.

 

ACTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with