_ngayon
^

Male personality na nakahiga sa salapi, pinagkukuriputan ang ama

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 21, 2021 - 12:00am

Dakilang araw ng mga ama kahapon. Buong mundo ang nagdiwang sa kani-kanilang paraan. Matindi ring inaalala dito sa atin ang Father’s Day.

Biglang naalala ng aming impormante ang kuwento tungkol sa kawalan ng malasakit at pagmamahal ng isang kilalang male personality sa kanyang tatay.

Sabi ng aming source, “Nalungkot lang ako, kasi, naalala ko ‘yung nangyari sa pamilya nu’ng male personality. Sinuwerte siya sa buhay, napakayaman na niya ngayon, as in, super-yaman na siya.

“Hindi lang sa pag-arte niya nakuha ang matinding kayamanang hawak niya ngayon, may ibang pinagmulan ‘yun. Binagsakan talaga siya ng suwerte, ng biyayang hindi niya akalaing mahahawakan niya pala.

“Ewan lang kung aaminin niya ‘yun, ha? Pero sino naman ang maniniwalang sa pag-aartista lang niya nakuha ang kayamanan niya ngayon? Ano siya, sinusuwerte?” makahulugang unang kuwento ng aming source.

May kuwento kasi tungkol sa kanilang tatay. Dahil siya nga sa kanilang magkakapatid ang pinakasinuwerte, nagrekomenda ang mga utol niya na sa kanya na titira ang kanilang ama, tutulong na lang ang mga ito sa paraang kaya nila.

Malungkot na pagpapatuloy ng aming impormante, “Hindi siya pumayag. Napakaabala raw niya sa career niya. May kani-kanyang buhay na rin daw ang mga anak niya.

“Para wala na raw problema, ang gusto niya, e, paalagaan na lang daw ang tatay niya sa home for the aged. Hindi pumayag ang mga kapatid niya, sila na lang daw ang mag-aalaga kung ganu’n ang gusto niyang mangyari.

“Nakakalungkot, di ba? Sa sobrang yaman niya ngayon, e, kayang-kaya niyang ikuha ng private doctor at nurse ang father niya! Magkano lang ba naman ‘yun kung ikukumpara sa kayamanang hawak niya?

“Para lang siyang kamotehang tinatalbusan, hindi naman mababawasan ang kayamanan niya, saka tatay niya naman ang bibigyan niya ng kaginhawahan!

“Nakakaloka siya, kung kailan naman siya pinaulanan ng suwerte sa iba-ibang paraan, e, saka naman siya nagkaganyan! Kilalang-kilala siya sa pagiging masinop sa pananalapi, pero pati ba naman ang mismong tatay na niya, e, pagkukuriputan pa rin niya? Mahiya naman siya!” naiinis na komento ng aming source.

Kaliwa’t kanan kung magpundar ngayon ng mga ari-arian at mga luho niya sa buhay ang male personality. Nakahiga na kasi siya sa salapi. Pero maligaya ba naman siya sa mga ginagawa niya?

Panghuling komento ng aming source, “Ay, hindi natin makikita kung happy siya o ano. No reaction kasi siya palagi dahil hindi na nga niya maigalaw ang mukha niya!

“Sagana siya sa saksak ng kung anu-ano, kahit nagagalit nga siya sa eksena, e, parang wala lang! Wala siyang reaction!”

Ubos!

Willie, madalas sa puntod ng ama

“Good things happen to good people.” ‘Yun ang kasabihan na totoong-totoo naman. At palagi nating pinanghahawakan ang sinasabi ng Ten Commandments tungkol sa pagrespeto at pagmamahal sa ating mga magulang.

‘Yun lang ang kautusan na may kakambal na pangako. Ang iba ay wala. Kapag marespeto at mapagmahal tayo sa kanila ay bibiyayaan tayo nang mahabang buhay.

Sa aspetong ito namin sinasaluduhan si Willie Revillame. Ilang dekada nang pumanaw ang kanyang ama pero hindi siya nakalilimot. Madalas siyang dumalaw sa puntod ng kanyang tatay sa pampublikong sementeryo sa Cabanatuan City.

Kapag nagkakaroon ng mga paghamon sa kanyang buhay at karera ay nagsasadya siya sa puntod ng kanyang ama. Nagsusumbong siya at humihingi ng paggabay.

Kapag may bagong kontrata siyang pinirmahan ay ganu’n din, masaya niyang ibinabalita ‘yun sa kanyang tatay, talagang ganu’n na ang ikot ng kanyang buhay.

Nasa kanyang poder si Nanay Myrna, ang kanyang ina, may private nurse siyang kinuha at lahat ng kailangan nito ay mag-isa niyang tinutugunan.

Mapagmahal sa magulang si Willie. May karapatan siyang makatulong sa mga hindi niya kaanu-ano dahil una niyang inaayos ang buhay ng kanyang ina at iba pang mga kadugo.

Maaaring street smart si Willie, padaskul-daskol kung kumilos at magsalita, pero sa aspeto ng pagiging anak ay wala kaming anumang hindi magandang masasabi tungkol sa kanya.

At bilang ama ay napakasuwerte ng kanyang mga anak. Apat sila na may iba-ibang nanay pero pantay na pantay ang kanyang pagtrato at pagtingin sa lahat. Walang puwedeng humusga na iresponsable siyang ama.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit inuulan si Willie ng mga biyaya. Bagyo kung dumating sa kanya ang suwerte at hindi ambun-ambon lang.

Mapagmahal siyang anak at ama. Mapagmalasakit sa ating mga kababayang walang-wala sa buhay. Totong-totoo na puso ang tinitingnan ng Diyos at hindi ang ating mga sinasabi at ikinikilos.

FATHER’S DAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with