^

PSN Showbiz

Aktor na lasinggero, galit na galit nang tanggihang bakunahan!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Isang source ang nakakita nu’ng minsan sa isang kilalang male personality na lasing na lasing, pasuray-suray maglakad, at walang direksiyon kung saan pupunta.

Pumapara siya ng jeep, pero ayaw naman siyang isakay, hindi rin siya hinihintuan ng mga nagdadaang taxi dahil baka nga naman kung ano ang gawin niya.

Sa kabilang kalye na mismong katapat ng kinaroroonan niya ay naiipon na ang mga usisero. Pinagmamasdan siya, marami nang nakakakilala sa kanya, pero wala siyang pakialam.

Kuwento ng aming source, “Ako, kitang-kita ko talaga na siya ‘yun. Napanood ko kasi ang movie niya, ang galing-galing niya, pinaiyak niya ako sa pelikulang ‘yun!

“Nakita kong may tinawagan siya, malakas ang boses niya, nagmumura pa nga siya, e! Parang nagpapasundo siya sa kausap niya dahil ibinigay niya ang pangalan ng hardware kung saan siya nandu’n.

“Ang nakakalungkot lang, napakatagal na ng paghihintay niya, pero wala namang dumara­ting para sunduin siya!” unang kuwento ng aming impormante.

Sumusunod naman sa health protocol ang male personality, meron siyang face mask, pero ang face shield niya ay nakataas lang.

Patuloy ng aming source, “Sabi ng katabi kong miron din, ‘Nakita ko siya kanina sa health center, magpapabakuna dapat siya, kaso, hindi naman puwede dahil amoy na amoy na lasing siya.’

“Siguro nga, e, ‘yun ang ikinagagalit niya, kaya siya nagmumura! Tinanggihan siyang bakunahan, kaya leche siya nang leche! E, sino naman kasing health worker na nasa matinong pag-iisip ang magbabakuna sa kanya?

“Lasing siya, bawal na bawal nga ang pag-inom kahit after vaccination, di ba? Nakakaawa naman siya, talagang pinabayaan na lang niya ang sarili niya.

“Napakaraming nangangarap mag-artista, milyon ang nag-o-audition para lang makilala, pero heto naman siya na kung tutuusin, e, napakaga­ling na artista, pero nagpakaganyan pa siya!

“Hay, naku! Nakakapanghinayang siya, ang dami-dami nang tumulong sa kanya, pero sina­yang lang niya ang pagkakataon. Mas gusto niya ang ganyan na pinagpipistahan siya, para ngang may shooting habang pinanonood siya ng mga nandu’n!

“Bata pa naman siya, mauntog sana ang ulo niya habang lasing na lasing siya, baka sakaling matauhan siya na napakalaki ng sinasayang niyang panahon sa buhay at career niya!

“Nakakaawa siya, pero hindi naman siya naaawa sa sarili niya, kaya habampanahon na lang siyang ganyan!” inis na inis na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Darren, ‘di masyadong pumapatol sa mga intriga

Sa Calgary, Alberta, Canada ipinanganak at lumaki ang magaling na singer na si Darren Espanto. Sinuportahan ng kanyang mga magulang ang hilig niyang kumanta kaya umuwi sila dito para makapag-audition si Darren sa The Voice.

Nakarating siya sa grand finals at hindi man siya ang tinanghal na champion ay pinalad siyang makilala at mahalin ng ating mga kababayan dahil sa kanyang husay sa pagkanta.

Naging guest namin sina Darren at Adrianna So sa Cristy Ferminute nu’ng nakaraang Huwebes, ibang klase ang suporta sa kanya ng grupong Darrenatics, nakasunod sa kanya ang mga kabataang tagasuporta niya na handa siyang ipaglaban kahit kanino at kahit saan.

May parating siyang concert na worldwide mapapanood, agarang nag-text sa amin ang mga kaibigang matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Edmonton, Regina, Winnipeg, Red Deer at Saskatoon, Canada.

Iba talaga ang lahing-Pinoy, saanmang sulok ng mundo sila nandu’n, basta Pilipino ang bumibida ay palaging nakalaan ang kanilang suporta.

Magkasama naman sila ni Adrianna sa bagong show ng TV5, ang TNT Pop Show, nasa pangangalaga na ngayon ng The IdeaFirst Company ang maganda at magaling mag-host na si Adrianna.

Naalala namin, nu’ng sumali si Darren sa The Voice ay ipinagbilin siya sa amin ng pamangkin naming nurse sa Amerika na si Rene de Leon, estudyante kasi nito sa PJG (sa Nueva Ecija) ang mga magulang ni Darren na sina Lyndon at Marinel.

College sweethearts daw sa kolehiyo ang mga magulang ni Darren, kuwento ng aming pamangkin, hanggang sa manirahan na nga sila sa Calgary, Canada.

Saludo kami sa disiplina ng magaling na singer, hindi siya ipinaglihi sa patola, hindi siya mapagpatol sa panggugulo sa kanya nu’n ng isang singer din na itinuring pa naman niyang kaibigan.

Basta nakatutok lang si Darren sa kanyang singing career, sa paminsan-minsan niyang pag-arte, hindi niya sinasayang ang kanyang panahon sa pagpatol sa mga isyung wala namang positibong maidadagdag sa kanyang mga pangarap.

Hindi na namin kailangan pang makilala nang personal sina Lyndon at Marinel. Sa ugali pa lang at disiplinang pinaiiral ni Darren na walang kayabang-yabang at mapagkumbaba ay parang nakilala na rin namin sila bilang mga magulang.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with