_ngayon
^

Istorya ni Andres Bonifacio maraming beses nang naging pelikula!

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon (Pilipino Star Ngayon) - June 13, 2021 - 12:00am

Wala namang naging anak ang bayaning si Andres Bonifacio sa kanyang naunang asawang si Monica, at agad naman iyong namatay nang magkaroon ng ketong.

Muling nag-asawa si Bonifacio, sa 18 taong gulang lamang noong si Gregoria de Jesus. Nagkaroon sila ng isang anak na lalaki na namatay rin agad sanggol pa lamang. Kaya nga nagtanong kami kung sino ba ang sinasabi nilang kaapu-apuhan ni Andres Bonifacio na nag-desisyon diumano na si Yorme Isko Moreno ang gusto niyang gumanap sa role ng kanyang lolo sa gagawing bagong pelikula tungkol sa bayani.

Ang sinasabing apo, na kinilala ring si Susan Meyer, ay apo pala mula sa kapatid ni Andres Bonifacio na si Espiridiona.

Marami nang ginawang pelikula tungkol sa buhay ni Andres Bonifacio, pero aaminin namin na maski kami, palagay namin maraming kulang sa mga pelikulang iyon. Mahabang panahon din kasi naming binalik-balikan ang pagbasa sa ating ka­say­sayan, at maraming kuwento tungkol kay Bonifacio na hindi tama sa mga pelikula.

Ngayon, nangangako raw ang Regal na ang gagawin nilang pelikula ay batay sa katotohanan, at mayroon daw silang isang team ng historical researchers na nagtatrabaho na ngayon.

Pero depende na naman siya kung saan sila magre-research. Kung kagaya rin nang dati na kinuha lamang sa mga libro nina Zaide at Agoncillo, wala rin iyan.

Kailangang saliksikin nila iyong mga dokumento, simula sa kumbensiyon sa Tejeros na sinasabing unang kaso ng “dagdag-bawas” ,ang paglilitis na ginawa kay Bonifacio, ang malupit na pagpatay sa kanya at sa kapatid na si Procopio sa Maragondon, Cavite ng mga Magdalo na pinamunuan ni Lazaro Makapagal, at kung saan nga ba napunta ang mga labi ng bayani.

Kung masasagot iyan ng bagong pelikula, kuntento na siguro kami, kagaya noong matapos naming mapanood ang pelikula tungkol kay Rizal na ginawa ni Marilou Abaya.

Pero palagay namin, may katuwiran din sila na piliin nga si Yorme, dahil siya, kagaya ni Bonifacio ay isinilang at lumaki sa Tondo. Si Bonifacio rin ay nagsimula bilang actor sa zarzuela, kagaya rin ni Isko na nagsimula naman sa telebisyon at pelikula.

Agad ring binigyan ng pagpapahalaga ni Yorme si Bonifacio bilang bayani ng Maynila noong maging punong-lunsod siya, kaya nga siya nagustuhan ng apo ni Bonifacio. Sinasabi rin nilang may pagkakahawig sila base sa kaisa-isang litrato ni Bonifacio na nakuha mula noon.

Aiai, di kayang magtanggal ng mask

Ang obserbasyon ni AiAi delas Alas, na ngayon ay nasa US, iyong mga Asyano na lang daw ang nagsusuot ng face mask kahit na nabakunahan na. Iyon daw mga puti hindi na.

Pero siya mismo, sabi ni AiAi, nagsusuot pa rin ng face mask para sigurado at “pakiramdam ko para akong nakahubad kung walang mask”, sabi pa niya sa kanyang social media post.

Aba dapat pa rin namang magsuot ng mask kahit na nabakunahan na. Kahit naman bakunado ka na puwede ka pa ring mahawahan eh. Dito nga sa atin talagang OA na eh, may face shield pa na kung hindi ka maingat magiging dahilan pa para ka madapa habang naglalakad. Lalo na kung naka-salamin ka mahirap ang may face shield. Ipagdasal na lang natin na matapos na iyan.

TH sexy starlet noon nakakabola pa ng senior citizen

Hindi naman masyadong sumikat ang sexy starlet na iyan noong araw sa kabila ng kanyang pagiging “trying hard”. Naging kontrobersiyal pa noong araw matapos na mabalitang nakipag-relasyon sa isang character actor ganoong may ka-live in siyang isang male star din.

May edad na ngayon ang sexy starlet na sa tantiya namin ngayon ay mga 50 na rin o baka higit pa. Kaya nga nagulat kami noong makita namin siyang may ka-date pa, pero mas matanda naman ang lalaki na halata mong senior citizen na.

Hindi na rin naman masasabing sexy pa talaga ang female star sa ngayon. Iyon nga lang may nabobola pa siya dahil kilala siya bilang starlet kahit na dalawa lang naman yata ang nagawa niyang pelikula noong araw na panahon pa noong mga “pene movies”.

Alam naman ninyo, iba pa rin ang dating basta sinabing “dating artista.”

ANDRES BONIFACIO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with