_ngayon
^

Sharon, na-fake news na sinasaktan

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon (Pilipino Star Ngayon) - May 26, 2021 - 12:00am

Hindi si Sharon Cuneta ang tipo ng babaeng mananahimik kung may hindi magandang ginawa sa kanya ang kahit na sinong tao. Maraming ulit na naming nakita ang mga bagay na iyan, at kahit na sino pa iyan, maaari niyang talikuran kung may ginawang hindi maganda sa kanya.

Kaya hindi namin papatulan ang mga tsismis na kumalat lately tungkol sa sinasabing problema niya sa kanyang pamilya. In the first place, kung may ganoon na sigurong issue, hindi na sila nagkaroon ng family picture bago siya umalis patungong US.

Ngayon sinasabi ni Sharon na hindi totoo ang tsismis at naniniwala kami roon. Kung totoo kasi iyon, masasabi mo bang may manok na tatanggi sa palay?

Kung sa bagay, sabi nga ng ilang pilosopo sa panahong ito may mga manok na hindi na kilala ang palay, kasi ang tinutuka nila ay puro laying mash at gro­wing mash.

Kung may hindi magandang nangyari, hindi magpo-post agad si Sharon ng kanyang picture na masayang-masaya pagdating sa LA, at siguro hindi ang pagpapasaksak ng bakuna ang kanyang uunahin.

Hindi mo mapapatahimik si Sharon basta may matinding issue. Hindi siya iyong nagtatago kung ano ang nadarama niya. Kaya natatandaan nga namin, noong araw na may matinding issue rin kay Sharon, nagbilin ang kanyang manager na si Mina Aragon na “wala munang interview” at maski nga kami sinabihan noon na “huwag na muna ninyong kausapin si Sharon.” Kaya ang mga kuwento sa nangyari noong una, hindi galing kay Sharon kundi sa ibang sources.

Kaya nga sa sinasabing “appreciation of data” ay kailangan talaga nating pag-aralan. Marami kasing naibabalita, hindi lang naman tungkol kay Sharon na sinasabi nga nilang “compromised.”

Hindi lahat ng nababasa ninyo ay totoo, lalo na nga sa social media na nakikita naman nating marami nang palpak na istorya. Hindi naman namin sinasabing sa social media lang, kahit na sa lehitimong media ay may nangyayari ring ganyan.

Kaya dapat kung ano man ang naririnig ninyo, isipin din ninyong mabuti kung totoo nga ba o hindi.

Mga pelikulang may katuturan, wala nang gumagawa!

Noong isang umaga, ang inabot namin sa cable ay ang pelikulang Cedie. Iyan ay isang pelikulang pinagbidahan ni Tom Taus na bata pa noon, na hinango sa isang cartoon na ganoon din ang title, na base sa klasi­kong istoryang Little Lord Fauntleroy.
Nabasa namin ang kuwentong iyan sa libro noong bata pa kami, at hindi namin naisip na may gagawa ng pelikulang ganyan na Pilipino pa.

Nang gawin iyan ng Star Cinema, masasabi ngang masyado iyong ambisyoso. Kailangan nilang mag-shooting sa England. Kailangan nilang dalhin doon ang mga artistang Pilipino, at period movie pa iyon, kailangan nilang ibalik ang hitsura ng dating England na hindi na ganoon ngayon.

Kung hindi nila ginawa iyon, ewan kung ilang bata ang nakaalam ng kuwentong Little Lord Fauntleroy na nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga bata.

Nakakalungkot nga lang at dumating tayo sa panahon na wala nang gumagawa ng ganoong klasikong pelikula, at ang ginagaya na lang ngayon ay ang karaniwang kuwento ng mga pelikulang Koreano.

Papasulong ba tayo o papaurong? Male starlet na mali ang diskarte sa career, jobless na

Kitang-kita namin ang frustration ng isang male starlet na may hitsura naman, at may talent, pero dahil sa maling diskarte lamang ng pasok sa showbiz, walang nangyari sa kanyang career.

Nakagawa siya ng ilang indie, na nakita namin sa internet. Mahusay naman ang kanyang arte pero hindi namin alam kung ilan ang nakapanood noon. Wala kaming nakausap na may alam na ganoong mga pelikula.

Sinubukan din naman niyang kumanta at ok din naman siya, pero ano nga ba ang mangyayari sa isang boy band na walang back-up ng isang lehitimong recording company at nagkakaroon lang ng pagkakataong makapag-perform sa maliliit na mall shows at mga fiesta.

Ngayon may pandemic pa, pati mall shows at mga fiesta nawala pa. Ano nga ba ang maaaring asahan ng isang talent para umangat pa?

SHARON CUNETA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with