_ngayon
^

Mahusay na aktres pero pasaway sa trabaho, nganga, ‘di na makabayad ng kuryente

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 18, 2021 - 12:00am

Napakahalaga nga ng salitang pakikisama sa larangan ng pag-aartista. ‘Yun ang palaging una, magandang ugali muna, kasunod na lang ang talento.

Maraming magagaling na artistang madalang lang magkaroon ng proyekto, nanghihinayang ang marami, nasasayang daw ang kanilang talento sa pag-arte.

Lalo na ngayong panahon ng pandemya, mapili na ang mga produksiyon, ‘yung mga hindi nagbibigay ng problema sa shooting o taping ang kanilang pinipili.

Kuwento ng aming source, “Napakalaki kasi ng ginagastos ng production, sa health protocols na lang, milyunan na ang inilalabas nila. Kalahati na nga ng puhunan ang gastos nila para lang ligtas sa hawahan ang mga tauhan nila pati ang mga artista.”

Gustung-gusto nang magtrabaho ng isang pamosong female ­personality, pero walang kumukuha sa kanyang serbisyo, ayaw nang maabala pa ng produksiyon sa kakaibang ugali ng babaeng personalidad.

Patuloy ng aming source, “Nu’ng kasagsagan ng career niya, e, maraming production heads ang niregla nang wala sa panahon. Problemado sila, dinudugo sa kaartehan at pagiging pasaway niya.

“Imagine naman, ang nakalagay sa calltime niya, e, alas kuwatro nang umaga dahil kailangang kunan ang eksena niya nang madaling-araw. Pero anong oras siya dumarating, hapon na?

“At ang nagdala pa ng script niya ang iipitin niya, 4PM daw ang nakalagay sa calltime niya, hindi 4AM! Hindi ba naman nakakaloka ang female personality na ito na ipinapasa sa iba ang mga kaartehan niya?

“Masakit na masakit ang ulo ng handler niya, napapagalitan kasi ng production, siya ang nasisisi sa palaging pagdating nang super-late ng alaga niya!

“Kulang na ngang matulog pa sa bahay niya ang handler niya para walang maging problema. Grabe ang sakit ng ulo na ibinigay niya nu’n sa network na pinagtatrabahuhan niya!” kuwento pa ng aming source.

Pandemya ngayon, walang kailangang masa­yang, naghihigpit ang mga produksiyon para maging maayos ang kanilang trabaho habang naka-lock-in ang buong grupo.

“Ngayon pa ba naman siya magkakaroon ng work? Ano, para bigyan niya ng sakit ng ulo ang buong production dahil wala pa rin naman siyang disiplina?

“Kilala nga siya, magaling umarte, pero kung ganu’n naman ang working attitude niya, e, sino ang kukuha sa kanya? Sino pa ang magtitiwala sa mga pangako niya na palagi namang napapako?

“Sayang na opportunity, kung naging maayos lang siya sa pagtatrabaho, e, di hindi na sana siya napuputulan ng ilaw?” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Sen. Manny may ‘utang’ sa LGBTQ

Kung talagang desidido nang lumaban sa panguluhan ang Pambansang Kamao sa darating na halalan ay meron siyang kailangang hiluting bahagi ng ating lipunan.

Matinding paghilot ang kailangan niyang gawin dahil hanggang ngayo’y buhay na buhay pa rin sa kanilang kamalayan ang minsang pinakawalan niyang pahayag na patungkol sa mga miyembro ng LGBTQ.

Ilang kasamahan naming nagtatrabaho sa TV5 ang tumawag sa amin, gusto nilang malaman kung totoong desidido nang makipag-agawan ng upuan sa Palasyo si Senador Manny Pacquiao, kung totoo raw ‘yun ay may kailangang ayusin sa grupo ng LGBTQ ang senador.

Sabi ng aming kausap, “Hindi niya makukuha ang boto ng mga beki at tiboli dahil sa sinabi niya nu’n na mas masahol pa sa hayup ang mga ­miyembro ng LGBTQ.

“Naging matindi ang statement niyang ‘yun, napakasakit para sa amin, kaya kung totoong tatakbo nga siyang pangulo, napakalaking boto ang mawawala sa kanya,” madiing sabi ng aming anak-anakang beki.

­May mga pagkakataon talagang napakalaki ng partisipasyon ng nakaraan sa ating ­pangkasalukuyang buhay. Lublob na lublob nu’n sa pagiging Kristiyano si Senador Manny, isinaboses lang niya ang kanyang opinyon at paninindigan, pero magkakaroon pala ‘yun ng kuneksiyon sa kanyang pinapangarap.

Si SOS, ang kaibigan at anak-anakan ­naming mulat sa mundo ng showbiz at pulitika ay may positibong komento pa naman tungkol sa inaambisyon ng Pambansang Kamao, ito ang kanyang reaksiyon.

“May malaking bentahe sana kapag nanalo si Pacman dahil galing siya sa ibaba. Siguradong may compassion at empathy siya sa mahihirap na Pilipino. Isa pa niyang edge, e, isa siyang Kristiyano na may matinding pananalig at takot sa Diyos.

“Hindi po siya perfect, nagsisisi nga siya sa mga nakaraang kamalian niya at nagsusumikap na ­maging mabuting tao. Sana nga po, e, siya na ang maging sugo ng Diyos, kailangang-kailangan natin ng leader na may moral ascendancy more than ever,” bahagi ng opinyon ni SOS.

Walang nakakaalam kung ano ang magiging senaryo kung totoong buung-buo na ang desisyon ni Senador Manny Pacquiao na tumakbo sa panguluhan.

Pero may pinaniniwalaan tayong destiny. Sa pagpanganak pa lang natin ay nakaguhit na sa ating mga palad kung ano ang magiging buhay at kinabukasan natin.

 

WORK
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with